Batang Aeta na nag-viral noon dahil sa pag-awit sa hit song ni Justin Bieber, binata na
Binata na ang dating batang Aeta na si Arjohn na naging internet sensation noong 2011 dahil sa pagbirit niya sa Justin Bieber hit song na "Baby" habang nasa Pampanga.
Matatandaan na naging instant celebrity si Arjohn nang mag-viral ang kaniyang Youtube video habang inaawit ang hit song ni Justin Bieber habang nasa Pampanga.
Na-feature din siya sa mga television program at pinangakuan pa ng collaboration ng ilang sikat na mang-aawit.
Pero sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Martes, sinabing hindi rin nagtuloy-tuloy ang kinang ng bituin ni Arjohn hanggang sa kumonti ang kanyang mga gig at mawalan ng offer.
Ngayon sa edad na 18, nasa Metro Manila na si Arjohn at patuloy na nakikipagsapalaran.
Huminto raw siya sa pag-aaral noong 2014 dahil nagkasakit ang kaniyang ina.
"Hindi po siguro 'yon yung time na pagtaas ko pero darating time sa 'yon," ani Arjohn. "Hindi naman ako nalungkot kasi kasama ko pa rin family ko tapos kumakanta pa rin ako kahit saan.
Kahit walang pera at walang tiyak na matitirhan, nakipagsapalaran sa Maynila si Arjohn. Pinalad naman siya dahil mayroon kumupkop sa kanya.
Nagsimula ulit na mag-ensayo sa pag-awit si Arjohn sa tulong ng internet.
Gabi-gabi, nag-iikot siya sa hilera ng mga restaurant sa Timog at Morato area sa Quezon city. Kahit papaano, kumikita siya sa bigay ng mga tao na nagpapakanta sa kaniya.
Ang mga nakakarinig ng kaniyang tinig, labis ang paghanga sa kaniya.
Hindi man natupad sa ngayon ang kaniyang pangarap na maging propesyunal na mang-aawit, ang kalsada na muna Metro Manila ang nagsisilbi niyang entablado.
Umaasa siyang balang araw, matutupad din ang kanyang minimithang pangarap.
"'Wag po silang mahihiya kahit simpleng tao puwedeng mangarap," payo ni Arjohn sa ibang katulad niya."'Wag mahihiya, lakas loob lang." -- FRJ, GMA News