Fans at mga kaibigan, dumagsa sa huling gabi ng burol ni Kuya Germs sa Mt. Carmel Shrine
Dumagsa ang mga tagahanga at kaibigan ng namayapang Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno sa huling gabi ng kaniyang burol sa Our Lady of Mt. Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City nitong Martes.
Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kabilang sa mga dumalaw sa burol ng batikang host at aktor ang mga malalaking bituin tulad nina Pops Fernandez, Christopher de Leon, Annabelle Rama, Ruffa Gutierrez, Vina Morales, at Sunshine Cruz.
“Maraming salamat sa lahat ng tulong na ginawa niyo sa akin, pati na sa lahat ng mga baguhan na gustong sumikat sa industriya. You really are an incon and you gave showbiz a name,” mensahe ni Ruffa sa namayapang star builder.
Dagdag naman dito ni Sunshine, “Talagang napaka-sweet at napakabait ni Kuya Germs kaya hindi siya maaaring hindi mahalin ng industriya. Sobrang genuine na tao.”
Nagbigay-pugay rin sa alaala ni Kuya Germs ang Dubsmash Queen at Kalyeserye sweetheart na si Maine Mendoza.
Aniya, malaking bagay raw para sa kaniya ang ginawang pagkilala ng Master Showman sa AlDub at sa iba pang karakter ng Kalyeserye sa Eastwood Walk of Fame nitong nakaraang taon.
“Hindi kami close talaga at hindi kami nagkaroon ng much time together, pero 'yung pag-recognize niya sa AlDub at sa tatlong Lolas at sa pagbibigay niya ng stars sa Walk of Fame, sobrang laking bagay para sa akin,” paliwanag ng dalaga.
Nitong Miyerkules ng umaga, dumating na sa GMA Network Center ang mga labi ni Kuya Germs matapos itong idaan sa Sampaguita Gardens at sa kaniyang tahanan sa Quezon City.
Nagkaroon ng pagkakataon ang mga empleyado ng GMA na magbigay-pugay sa Master Showman bago ang magaganap na public viewing mula 2 p.m. hanggang 5 p.m.
Mula 6 p.m. hanggang 7 p.m., magkakaroon ng misa na eksklusibo sa mga empleyado ng GMA at pamilya at mga kaibigan ni Kuya Germs. Ito ay masusundan ng isang necrological service.
Ipagpapatuloy ang public viewing sa ganap na 10 ng gabi hanggang kinaumagahan.
Sa araw ng Huwebes naman nakatakdang dalhin ang mga labi ni Kuya Germs sa Loyola Memorial Park sa Marikina. —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News