Why Kuya Germs always wore colorful, shiny outfits
Bukod sa pagiging Master Showman at tatay-tatayan ng maraming personalidad sa showbiz, kilala rin ang namayapang host at aktor na si German “Kuya Germs” Moreno sa pagsusuot niya ng makikinang at makukulay na damit tuwing haharap sa camera.
Mula sa mga programang “That's Entertainment,” “GMA Supershow,” at hanggang sa “Walang Tulugan,” laging agaw-pansin ang mga outfit ni Kuya Germs.
Ayon kay Jovan Dela Cruz ng Father and Son Tailoring na siyang gumagawa ng mga damit ng batikang showbiz personality, special request daw ni Kuya Germs na makinang at makulay ang mga damit na ipapagawa niya.
Simbolo raw ito ng ningning at kulay ng mga bituin at artistang nakasama niya at naging anak-anakan na niya sa showbiz.
“Gusto niya talaga na makintab kasi constellation of stars. So ibig sabihin, 'yun ang mga star na natulungan niya. Gusto niyang nire-represent ng damit niya,” paliwanag ni Jovan sa panayam ni Aubrey Carampel ng "24 Oras" nitong Martes.
Tatlong dekada na raw gumagawa na damit ni Kuya Germs ang pamilya ni Jovan, at namana pa raw niya ang karangalan ng pagtatahi ng mga damit ng Master Showman mula sa kaniyang amang si Jun, na namayapa noong December 2014.
Mahigpit na bilin raw sa kaniyang ng ama na huwag papabayaan si Kuya Germs, na pinatunayang hindi sa loob ng industriya nagtatapos ang kaniyang loyalty.
Obra ni Jovan ang mga makikitang suot ng Master Showman sa mga espesyal na okasyon, gaya na lamang ng 50th anniversary nito sa showbiz, ang pagdiriwang niya ng kaniyang kaarawan nitong nakaraang Oktube, at ang Kapuso Countdown to 2016 nitong Disyembre.
Huling request raw ni Kuya Germs ang isang pulang outfit na isusuot niya sana sa taping ng “Walang Tulugan” nitong nagdaang Biyernes, ang araw ng kaniyang pagpanaw.
Kuwento ni Jovan, “Tumawag siya sa akin and nag-request ng red daw ang gusto niyang isuot para sa first taping ng Walang Tulugan for the New Year, kaya nagulat ako na na-ospital na lang siya bigla.”
Peacock ang napiling disenyo ni Jovan, kaya laking gulat rin niya nang malaman ang ibig sabihin nito. Aniya, “Nalaman ko na ang peacock pala, ibig sabihin, immortality, death, and resurrection.”
Loyal friend
Para naman sa ina ng designer na si Emma na siyang naglalagay ng makikinang na sequins sa damit ni Kuya Germs, hindi raw niya malilimutan ang malaking naitulong ng batikang host-actor sa kanilang buong pamilya.
Ayon kay Emma, “Tumulong din siya noong nagkasakit ang asawa ko hanggang sa namatay. Malapit talaga siya sa pamilya ko.”
Bukod pa riyan, dumami rin ang mga kliyenteng celebrities nina Jovan at Emma dahil sa rekomendasyon ni Kuya Germs.
Hindi raw matatawaran ng libo-libong damit na nagawa nila para sa Master Showman ang ipinakita nitong kabaitan at katapatan sa kanilang pamilya sa loob ng maraming taon, kaya naman sa pagkawala ni Kuya Germs, tila nawalan na rin umano ng kapamilya sina Jovan.
Gayunpaman, naniniwala sila na nasa magandang lugar na si Kuya Germs. “Sabi nga niya, the show must go on. Kaya kung nasaan man siya, baka kasama niya na rin 'yung tatay ko—may tagagawa na rin siya ng damit doon sa langit,” pagtatapos ng designer. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News