Si ‘Kuya Germs’ sa paningin ng kaniyang mga kasama sa industriya
Mabuting kaibigan, mapagbigay, at mentor. Ilan lamang ito sa mga katangiang taglay ng tinaguriang "Master Showman" ng show business na si German "Kuya Germs" Moreno sa mata ng kaniyang mga kasama sa industriya.
Nang magdiwang si Kuya Germs ng kaniyang ika-50 taon sa showbiz noong 2013, isang coffee table book ang inilabas kung saan mababasa ang mga liham na isinulat ng ilang artista at kilalang personalidad na malapit kay Kuya Germs.
Sa naturang coffee table book, makikita kung paano nila pinapahalagahan at pinapasalamatan si Kuya Germs sa tulong sa mga panahong kasama pa nila ito.
Susan Roces
Nagsisimula pa lang mag-artista sa Sampaguita Pictures si Kuya Germs nang makilala niya ang isa sa mga itinuturing na pinakamagandang babae sa show business, si Susan Roces.
Sa tagal ng kanilang pagkakaibigan sa loob at labas ng showbiz, tunay ngang naging malalim na ang pinagsamahan ng dalawa.
Narito ang bahagi ng liham ni Ms. Susan para sa kaibigan:
"Dala-dala ni German sa diwa at puso niya ang kasaysayan ng pagiging 'showbiz personality n'ya.' Huwag kang magkakamaling itanong sa kanya kung paano siya nagsimula dahil mahaba-habang kwentuhan 'yan at aabutin ng ilang oras."
"Habang sinusulat ko ito ay napapangiti ako. 'Yan ang epekto sa akin ng pangalang German Moreno."
Gloria Romero
"Forty years and still counting." Ganito na katagal magkaibigan sina Kuya Germs at ang beteranang aktres na si Gloria Romero, na isa rin sa mga pinakamagandang aktres sa industriya.
Nagsimula ang kanilang pagkakaibigan mula pa sa Clover Theatre, isa sa mga pinagtrabahunan ni Kuya Germs.
Gayundin, nagpasalamat si Ms. Gloria para sa makulay na pagkakaibigan nilang dalawa.
"Thank you Pare for being a dear friend and for loving our industry. Continue the good work! Love you," pahayag nito sa kanyang liham.
Nora Aunor at Tirso Cruz III
Naging hit naman sa mga radio listener sa programa ni Kuya Germs nang panahon iyon ang "Guy and Pip" song festival, mga awitin nina Nora Aunor at Tirso Cruz III, na isa sa mga pinakasikat na love team noon.
Sa kanyang liham, sinabi ni Tirso na, "Isa ka sa mga taong pinagkakautangan ko ng [mag]simula [a]ko sa industriya ng pelikulang Pilipino."
Saad naman ng nag-iisang Superstar: "Pagbati mula sa puso para sa isang kaibigan, katrabaho, karamay at kaibigang higit pa sa kamag-anak.
"Malaking bahagi ka kung bakit ako nasa kinalalagyan ko ngayon. Ikaw ang kuya ng lahat sa loob ng 50 taon, at sa mga susunod pang 50 taon dahil sa walang sawa at walang kapagod-pagod mong pagtulong sa mga bagong talento, at maging sa mga datihan, habang inaaliw mo kami sa mga palabas at pelikula mo.
"Ikaw ang patunay na ang isang tunay na artista ng bayan ay laging mananatili. Ikaw ang aking inspirasyon, Kuya Germs.
"Maraming salamat para sa lahat."
Imelda R. Marcos
Kailanman ay hindi ikinaila ni Kuya Germs na isa siyang Marcos loyalist.
Lingid marahil sa kaalaman ng marami, may isang pagkakataon na "nailigtas" ni dating first lady Imelda Marcos sa pagkakakulong si Kuya Germs habang nagtatanghal sa "GMA Supershow" sa Folk Arts.
"Magso-show kami sa Folk Arts nang dumating na ang huhuli sa akin na may kinalaman sa kaso laban sa akin ng Geebees Productions. Ang ginawa ko naman tumawag ako kay Mrs. Perez ng Sampaguita," pahayag ni Kuya Germs.
"Sinabi ko kung maaari ay tulungan ako dahil huhulihin ako sa Folk Arts. Ang ginawa ni Mrs. Perez, tumawag sa Malacañang at kinausap si Madam Imelda Romualdez Marcos! Nung nalaman naman ni Madam, nagbigay ng order na walang p'wedeng dumampot sa akin," kwento nito.
Federico 'Freddie' Moreno
Itinuturing naman ng anak ni Kuya Germs na si Federico "Freddie" Moreno na isang "role model" ang pinakamamahal na ama.
"As the lolo to your four apos, my children could not be more proud of their Papa. Every time they hear your name, whether it be on media or just over hearing your name being mentioned, I could see in their faces the pride and joy of knowing your lolo is a man of respect and integrity many people look up to," pahayag ni Freddie sa kanyang liham kay Kuya Germs.
Sa itinagal ng "Master Showman" sa show business, masasabing marami na itong mga kaibigan at kakilala, na tulad niya ay pinapahalagahan ang kanilang industriya. At isang patunay nito ang pagiging star studded ng kaniyang 50th anniversary sa showbiz noong 2013.
Gayundin, magbalik-tanaw tayo sa ilang artista na pinasikat, nakasama, at natulungan ni Kuya Germs upang maabot nila ang tagumpay.
That's Entertainment
Mula sa 16 na teen stars, lumawak ang slot ng "That's Entertainment" —na isa sa mga pinakasikat na teen oriented show noong dekada '80 sa mahigit 30 teen hosts sa bawat araw.
Ang orihinal na 16 hosts ng nasabing show:
Monday group:
1. Ramon Christopher "Monching" Gutierrez
2. Tina Paner
3. Jestoni Alarcon
4. Lotlot de Leon
Tuesday group:
1. Manilyn Reynes
2. Michael Gonzales
3. Lovely Rivero
4. Mon Alvir
Wednesday group:
1. Gigi Dela Vira
2. Jojo Alejar
3. Sheryl Cruz
4. Francis Magalona
Thursday group:
1. Lea Salonga
2. Mags Bonnin
3. Jonjon Hernandez
4. JC Bonnin
Ilan sa mga pangalang nabanggit ay nananatili pa rin sa showbiz hanggang ngayon, habang ang iba naman ay pumalaot na sa pulitika.
Si Lea Salonga, nagwagi ng Tony Award bilang Best Actress noong 1991 para sa kanyang kauna-unahang Broadway show na Miss Saigon.
Bukod pa rito, ang mga artistang sina Jestoni Alarcon, Manilyn Reynes, Monching Gutierrez, Lotlot de Leon, at iba pang sumali sa That's Entertainment ay kilala pa rin sa showbiz.
Walang Tulugan!
Nagtapos man ang "That's Entertainment," hindi pa rin tumigil si Kuya Germs sa pagbigay ng daan sa nangangarap na maging artista. Ito'y sa pamamagitan ng kanyang programa na, "Walang Tulugan With The Master Showman."
Ilan sa mga mainstay ng naturang show ang FAMAS Awardee na si Jake Vargas, Hiro Magalona at Ken Chan.
Kaya naman sa pamamagitan ng "That's Entertainment," "Walang Tulugan with The Master Showman," at iba pa, patunay ito na hindi lamang mahusay na host si Kuya Germs kung hindi isa ring "Starbuilder Extraordinaire."
Pumanaw si Kuya Germs nitong Biyernes dakong 3:20 ng umaga sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City, ayon sa kanyang pamangkin at TV host na si John Nite.
Cardiac Arrest umano ang dahilan ng kayang pagpanaw sa edad na 82. — MMacapendeg/FRJ, GMA News