'Kuya Germs,' ang mestizong tindero ng bibingka, janitor, barker, at iba pa
Sa selebrasyon sa ika-50 taon sa showbiz industry ni German "Kuya Germs" Moreno noong 2013, isang coffee table book ang inilabas ng GMA Network na naglalaman ng mga larawan at iba pang detalye tungkol sa mga pinagdaanan sa buhay ng nag-iisang "Master Showman" ng Philippine showbiz.
Bago naging janitor sa Clover Theater, may iba pang trabahong pinasok si Kuya Germs sa mura niyang edad. Ginawa niya ito sa hangaring kumita ng pera upang matulungan ang kanyang ina, na maagang nabiyuda makaraang masawi sa aksidente ang kanyang ama.
Kaya naman sa likod ng kanyang makukulay at glamorosong mga kasuotan (kabilang na ang kanyang mga bowties), nakasaad sa libro ang napakaraming pagsubok sa buhay na pinagdaanan ni German Moreno.
Kabilang sa mga pagsubok na ito ay ang pagpanaw ng kanyang ama dahil sa aksidente nang mabundol ng sasakyan na minamaneho ng isang sundalong Amerikano.
"For nine days, hinahanap namin siya. Finally may nakapagsabi sa amin na nasa American hospital siya kasi nga nabundol siya ng isang American soldier. Para bang hinintay lang niya ang Mama ko dahil as soon as makita namin siya, namatay na rin siya," kuwento ni Kuya Germs sa malungkot na kabanata ng kanyang buhay sa naturang libro.
Unang sabak sa trabaho ni Kuya Germs ang pagsisilbi sa Manila Yellow Taxi na pag-aari ng kanyang tiyahin na tumulong sa kanyang pag-aaral. Dahil dito, may nalalaman din si Kuya Germs pagdating sa piyesa ng mga sasakyan.
Pero dahil sa pagnanais niyang matulungan ang ina, nagdesisyon si Kuya Germs na iwan ang kaniyang trabaho sa Manila Yellow Taxi at maghanap ng ibang pagkakakitaan. Dito na siya sumabak sa pagtitinda ng bibingka, mani, sigarilyo, at iba pang produkto sa kalsada.
Naging barker din siya o tagatawag ng pasahero sa jeepney, hanggang makapasok na siya bilang janitor sa Clover Theater -- ang trabaho na kabilang sa ipinagdasal niya nang nakaluhod sa Itim na Nazareno.
Bilang Jesus Christ
Ang makapagtanghal sa entablado ay isa rin sa mga idinalangin ni Kuya Germs. At dumating ang hinihintay niyang pagkakataon na umarte bilang si Jesus Christ sa Grand Opera House.
"Ang dami ko nang trabaho talaga. One time, yung director ng live show, nangailangan ng propsman na magro-roll ng telon. Naispatan ako— pinaghubad ako ng polo. Nung makita ang katawan ko na buto't balat, sinabihan ako ng 'Perfect! Ikaw ang gagawin naming Jesus Christ,'" kwento pa ni Kuya Germs.
Matapos nito, nagkaroon din ng pagkakataon si Kuya Germs na maging extra sa ilang pang live shows sa entablado.
(German Moreno With Ike Lozada. Larawan mula sa Coffee Table Book)
Sampaguita Pictures at Boy Alano
Sa taong 1963, nakapasok si Kuya Germs sa Sampaguita Pictures bilang isang komedyante. Dito rin nakilala sina Dolphy, Panchito, Gloria Romero, at iba pang sikat na artista nang panahong iyon.
Kuwento rin ni Kuya Germs, "Nag-host ako ng Premiere Night sa Life Theater. Gusto akong bayaran ni Mama Nene Vera-Perez. Pero hindi ko tinanggap. Ang sabi ko, kung pwede eh, isama na lang ako sa mga pelikula."
Isa sa mga tumatak sa Sampaguita Pictures ay ang comedic tandem nila ni Boy Alano, na nagsilbing pamalit sa sikat din na tambalan nina Dolphy at Panchito.
Ilan sa mga pinagbidahan nilang pelikula bilang tandem ay "Mga Batang Iskwater," "Class Reunion," at "Mga Batang Bakasyunista."
Nakilala rin ni Kuya Germs ang isa sa mga malapit niyang kaibigan, si Ike Lozada.
"Nakatulong ako sa kanya. During our Clover days, ako 'yung kumakalabit sa producer namin na i-schedule si Kuya Ike. Hanggang sa makapasok ako sa Sampaguita, napasok ko rin siya," pahayag nito. "Naging very close kami kaya nung magkaroon na siya ng sarili niyang programa, ako naman ang kanyang isinama roon. Ganoon."
DJ Germs
Hindi lang naman ang meztiso at payat na hitsura ni Kuya Germs ang tumatatak sa publiko, kung hindi maging ang kanyang boses. Sumabak siyang disc jockey (DJ) bilang sidekick ni Eddie Ilarde sa radio program na "Ngayon Naman" sa CBN.
(Kuya Germs with the Superstar Nora Aunor. Larawan mula sa Coffee Table Book)
Noong taong 1969, lumipat si Kuya Germs sa bakuran ng dzTR bilang isang "pinch-hitter," bilang karelyebo nina Helen Vela, Bingo Lacson, at Ben David. Sa mga nagdaang panahon, nabigyan siya ng kanyang sariling timeslot mula 11pm hanggang 12mn sa 'Bisita Artista' at ang napaka-sikat na "Guy and Pip Song Festival."
Ngayon, napakikinggan pa rin si Kuya Germs sa dzBB tuwing Lunes hanggang Biyernes ng 2:30pm hanggang 3:30pm.
Alamat ng telebisyon
Hindi lamang nagpapasikat ng mga artista si Kuya Germs, nakilala rin siya sa telebisyon sa mga show tulad ng showbiz talk show na "Daigdig ng mga Artista sa Television," at "Superstar" kung saan co-host niya si Nora Aunor.
Sumabak din si Kuya Germs sa mga palabas sa GMA Network na:
1978-1979: Germside
1979- 1984: Germspesyal
1984: Super in GMA
1986: That's Entertainment
1984- 1996: GMA Supershow
1991- 1997: Negosiyete: Mag-aral Sa GMA
1997- present: Walang Tulugan With The Master Showman
Hindi mabilang ang mga naging co-host ni Kuya Germs sa kanyang mga TV shows. Pero ilan sa kanila ay sina Kris Aquino, Gretchen Barretto, Jackielou Blanco, Sheryl Cruz, Cherie Gil, at Lani Mercado.
Nakapag-produce din siya ng mga telesine tulad ng:
1993- Kung Mayroon Mang Pangarap
1994- Ganti
1995- Sa Paglinaw Ng Tubig
1996- Ikaw, Ako at Ang Awit
1997- Dalawang Ina, Dalawang Pag-ibig
1998- Larawan ng Isang Ina
1999- Ina
Sa 200 pahinang coffee table book para kay Kuya Germs, naipakita na hindi lamang siya isang simpleng alagad ng entertainment industry. Sa halip, naipakita rin dito ang kanyang kababaan at kagandahang-loob, at kung papaano naging tahanan ng talento ang kanyang mga pinagdaanang trabaho magmula sa teatro, radyo, telebisyon at pelikula. -- MMacapendeg/FRJimenez, GMA News