Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alden Richards gets featured on leading UAE news website


Dahil sa pagdagsa ng kaniyang mga tagahanga mula sa Middle East kasabay ng magkasunod niyang shows doon, itinampok ng Dubai-based news website na Gulf News si Pambansang Bae Alden Richards noong Miyerkules, January 6.

Ayon sa artikulong isinulat ni Florence Pia G. Yu, nagkagulo ang mga Pinoy sa Dubai nang dumating si Alden sa isang hotel para sa isang meet-and-greet session, at bilang tanda ng pagmamahal nila sa kanilang idolo, may dala-dala silang kani-kaniyang regalo, tulad na lamang ng cake, shirts, accessories, at marami pang iba.

 

Hindi naman inasahan ng Kapuso heartthrob na ganito kainit ang magiging pagtanggap sa kaniya sa United Arab Emirates (UAE), lalo na't ito ang kauna-unahan niyang pagtatanghal sa Dubai.

“I always enjoy seeing my supporters. When I started my career in the Philippines I had no idea I would also have supporters outside of the Philippines,” aniya.

Kabilang umano sa mga aabangan ng kaniyang mga tagahanga sa kaniyang show ang pag-awit niya ng mga kanta mula sa kaniyang album, at marami pang pagpapasaya at pagpapakilig mula sa Pambansang Bae.

Ayon kay Alden, “I am going to be singing. A lot. They can expect kilig (excitement). There’s going to be a little life story sharing during the concert. I’m going to share [my life story].”

Tinalakay rin sa naturang artikulo ang naging malaking epekto ng phenomenal loveteam ng Pambansang Bae at ng Dubsmash Queen at Kalyeserye sweetheart na si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub sa social media at sa pop culture.

Sa January 7, Huwebes, magaganap ang unang show ni Alden sa Dubai Duty Free Tennis stadium, at masusundan ito ng isa pang pagtatanghal sa January 8, Biyernes, sa Qatar National Convention Center. — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News