Filtered By: Showbiz
Showbiz
Si Migo, si Ayra, si Klea o si Elyson?

'StarStruck' Season 6 Ultimate Survivors, hinirang na!


Alamin kung sino kina Elyson de Dios, Migo Adecer, Ayra Mariano at Klea Pineda ang itinanghal na Ultimate Survivors sa "Starstruck" Season 6 sa final judgement ng original reality-based artista search ng GMA nitong Sabado ng gabi.


Maliban kay Joey de Leon, present sa final judgement ang StarStruck council members na sina Regine Velasquez, Jennylyn Mercado at  Direk Mario J. Delos Reyes.

Bagaman wala sa final judgement, ipinalabas naman ang mensahe ni Joey para sa Final 4 kung saan binanggit ng entertainment guru na nararapat sila sa final judgment dahil na rin sa initial ng kanilang mga pangalan na kapag pinagsama-sama ay mabubuo ang salitang "MAKE."

Payo ni Joey sa apat,  huwag maging pasaway at dapat gamitin nilang motto ang pinagsama-samang initial sa kanilang pangalan sa pagpasok sa showbiz upang isagawa ang dapat nilang gawin para sila ay maging "made."

At bilang mga baguhan sa showbiz, pinayuhan din sila ng iba pang council members na matutong makisama sa kanilang mga makakasama sa trabaho.

Maliban sa pagtatanghal ng final 4, nagkaroon din ng special number si Regine at ang guest si Alden Richards, na dati ring sumali sa "Starstruck" pero hindi nakapasok sa 14 contenders.

Mula sa nalikom na puntos sa kanilang challenges at boto mula sa televiewers sa pamamagitan ng text at online, inanunsyo ni "StarStruck" host Dingdong Dantes si Klea bilang Female Ultimate Survivor, habang si Migo naman ang Male Ultimate Survivor.

 

Congratulations Migo Adecer and Klea Pineda! This season's Ultimate Male & Female survivors! You may post your questions po, they will answer via video!

Posted by StarStruck GMA on Saturday, December 19, 2015

 

Maliban sa exclusive contract sa GMA, tatanggap din sina Migo at Klea ng tig-P1 million, house and lot mula sa Camella at makakasama sa pagbabalik ng Kapuso fantaserye na "Encantadia."

Ang tambalan naman nina Ayra at Elyson ang itinanghal na Starstruck Kilig Couple.

Ang 14 na "Starstruck" contender ngayong season 6 ay binubuo nina Jay Arcilla, Avery Paraiso,  Liezel Lopez, Arra San Agustin, Princess Guevarra,  Joemari Nielsen, Koreen Medina,  James Teng, Kevin Sagra, at si Analyn Barro, na tumanggap ng special award mula sa Palmolive.

Ang mga dating nagwagi sa "StarStruck" ay sina Mark Herras at Jennylyn Mercado (Season 1);  Mike Tan  at Ryza Cenon (Season 2);  Jackie Rice at ang namayapang si Marky Cielo (Season 3);  Aljur Abrenica at Jewel Mische (Season 4) at Steven Silva at  Sarah Lahbati (Season 5).  -- FRJ, GMA News