Deniece Cornejo makes peace with Fashion Pulis blogger over libel charges
Nagkaayos na sina Deniece Cornejo at Mike Lim, na siyang nasa likod ng "Fashion Pulis" blog, matapos humingi ng tawad ang huli kaugnay sa naging alitan nila ng dalaga.
Ayon sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Cornejo na naisip niya na mas mabuting magpatawad para wala na siyang usaping legal na iniisip at bumagabag sa kaniya.
Matatandaang sinampahan niya ng kasong libelo si Lim noong Agosto dahil sa blog post nito tungkol sa medical records daw ng dalaga.
“I received a lot of blessing and sabi nga nila, when you forgive, madaming magagandang mangyayari and mabibigay sa'yo,” paliwanag ni Cornejo.
Iginiit naman ni Lim na ginagawa lamang niya ang kaniyang trabaho bilang isang media practitioner. Ngunit nagpapasalamat pa rin siya sa naging desisyon ng kampo ni Cornejo.
Sa katunayan, ang abogado mismo ng dalaga ang kakatawan kay Lim sa panibagong kasong hinaharap nito galing naman sa celebrity stylist na si Liz Uy.
Matatandaang nagsampa ng reklamo si Uy laban kay Lim matapos itong maglabas ng blog post tungkol sa mga isinuot na gown at damit ng kalyeserye star na si Maine Mendoza. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News