Filtered By: Showbiz
Showbiz
KALYESERYE WEEKLY RECAP

Ang pagbabalik ni Frankie Arinoli at panibagong pag-asa sa AlDub 'forever'


Bukod sa pagbabalik ni Jose Manalo sa kalyeserye ng Eat Bulaga matapos mawala ng ilang linggo, nagkaroon din ng panibagong pagkakataon ang AlDub forever nang hindi matuloy ang kasal nina Alden at Cindy the Russian model.

Lunes pa lang, sinira na ni Cindy ang linggo ng AlDub nation nang imbitahan nito si Yaya Dub sa sapilitang kasal nila ni Alden na itinakda sa Sabado.

Kaya naman kinabukasan, nagmistulang baliw-baliwan si Yaya Dub sa pag-atungal na napahupa lang nang makatanggap ng magandang balita tungkol sa inaplayan niyang scholarship. At dahil gusto raw ni Cindy na maging kaibigan si Yaya Dub, bumanat ito ng joke tungkol sa isdang mahilig umanong mangarate pero sumablay.

Pagsapit ng Miyerkules, hindi lang si Jose Manalo ang nagbalik sa kalyeserye kung hindi maging ang astig niyang karakter na ex-lover ni Yaya Dub na si Frankie Arinoli.


Sakabila ng itinakdang kasal kay Cindy, patuloy na ipinaglalaban ni Alden ang pag-iibigan nila ni Yaya Dub. At itong si Cindy, tila nahuhulog naman ang loob kay Frankie.

Kasabay nito, nabigyan din ng pagkakataon si Cindy na mag-interview ng Sugod Bahay winner. Pero ang malaking tanong, magkaintindahan naman kaya sila ng masuwerteng winner?

Nitong Biyernes,  bumuhos ang luha sa kalyeserye nang mag-heart-to-heart  talk sina Alden at Yaya Dub kaugnay sa ginawang pagpaparaya ng dalaga na maikasal na si Alden kay Cindy na siyang gustong mangyari ni lola Babah.


Ngunit ang inaakalang katapusan ng AlDub forever, nagkaroon ng panibagong pag-asa nang mapukaw ang puso ni Lola Babah sa madamdaming sulat ni Yaya Dub at hindi na itinuloy ang Alden-Cindy wedding.  Samantala, nabitin naman ang AlDub nation sa inakalang first kiss sa lips nina Alden at Yaya Dub.

-- FRJ, GMA News

Tags: kalyeserye