Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ina Raymundo relishes 'lovable maldita' role on Marimar


 

 

 

 
 
 
 
 
 

 

Matapos ang ilang taong pagiging abala bilang asawa at ina, nagbalik-telebisyon ang hot mom and actress na si Ina Raymundo ngayong kabilang siya sa mga bumibida sa ikalawang Pinoy remake ng hit Mexican series na “Marimar.”

Binibigyang-buhay niya ang karakter ni Brenda Aldama, isa sa mga kontrabida sa buhay ng bidang si Marimar na ginagampanan ni 2013 Miss World Megan Young.

Ngunit kaiba sa mga kontrabidang kinaiinisan ng mga manonood, maraming tagasubaybay ng “Marimar” ang tila nalilito sa mararamdaman nila sa karakter ni Ina.

Kuwento ng aktres sa panayam ng GMA News Online, hindi raw siya nakakatanggap ng hate tweets o anomang negatibong reaksyon sa social media.

“Naaaliw raw sila. Hindi nila alam kung magagalit sila kay Brenda Aldama o matutuwa. Iniba ko talaga ang atake. Ayoko 'yung typical na kontrabida na you will hate her. Gusto ko 'yung kahit na maldita siya, lovable pa rin,” aniya.

Ang inspirasyon niya raw para sa pagganap kay Brenda Aldama ay ang award-winning Hollywood actress na si Meryl Streep sa pelikulang “Death Becomes Her.”

Ayon kay Ina, isa siya sa mga magpapahirap sa buhay ni Marimar, ngunit hindi ito malalaman ng dalaga.

Sa katunayan, isa siya sa mga magiging daan upang mag-transform si Marimar mula sa pagiging mahirap na babae mula sa isla, patungo sa pagiging ang mayaman at sosyal na si Bella Aldama.

Paliwanag niya, “I will make her life difficult na hindi niya alam. Kumbaga, si Brenda Aldama ay manipulative pero hindi halata. But she's lovable.”

Bukod sa “Marimar,” bida rin si Ina sa November 2015 issue ng men's magazine na FHM, at sa edad na 40 at matapos magkaroon ng limang anak, pinatunayan niyang maaari pa ring maalagaan ang kalusugan para sa magandang pangangatawan.

Naniniwala raw siya na ang issue na ito ng FHM ay hindi lamang para sa mga kalalakihan, kundi maging sa mga babae at mga ina na tulad niya.

Ayon kay Ina, “I know FHM is a For Him magazine, pero in my head, it can also be a For Her magazine. You can buy this issue and learn and be encouraged. What I'm doing is so simple-- go to the gym and work out, and eat well.” —JST, GMA News