Filtered By: Showbiz
Showbiz
Jerald Napoles on Maine's surprise phone call: 'Gustong-gusto ni Alden ang nangyari'
Hindi naitago ni Pambansang Bae Alden Richards ang kaniyang pagkabigla nitong Linggo nang malaman niyang si Dubsmash Queen Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub ang 'mystery caller' niya sa DJ Bae segment ng comedy variety show na “Sunday Pinasaya.”
Ayon sa isa pang 'Sunday Pinasaya' host na si Jerald Napoles na kasama ni Alden sa nasabing segment, ito ang kauna-unahang long conversation ng phenomenal loveteam sa telebisyon.
Nangyari ang surprise call isang araw lamang matapos ang “Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon” show na naganap sa Philippine Arena at nakapagtala ng 41 million tweets sa loob lamang ng isang araw.
Kuwento ni Jerald sa GMANetwork.com, “Ako kasi alam ko na tatawag si Maine. Si Maine noon may inattend-an na event sa simbahan, binyag o kasal. Tapos pumunta doon ang handler niya, pinasabi ko na lang na banter na lang siya sa kung ano ang sasabihin ko. Bago magsimula ang show, may script kasi na sinusundan, 'yun ang script na alam ni Alden. May script na binigay sa akin, 'yun ang script namin ni Maine.
“So ang nangyari, sabi ni Alden, 'Je, may notes sa script. Hindi na daw tayo magba-banter, first caller kaagad. Alam mo na ba 'yun? Dalawa daw caller natin ngayon. Nabasa mo na ba?' Ako naman, 'Oo nabasa ko na.' So wala siyang alam. Kaya kung uulitin niyo ang video, pag-ring ng phone, 'Hello po, DJ Bae,' nakangiti na ako kaagad kasi alam ko na ang mangyayari,” dagdag pa niya.
Pagkatapos ng pagtawag ni Maine, kitang-kita raw sa mukha ng Kapuso heartthrob na gusto niya ang nangyari.
Ayon kay Jerald, “Pagkatapos, sa backstage, sabi niya, 'Kasabwat ka! Kasabwat ka! Loko-loko ka! Ang galing niyo doon, pare!' Ganun siya nang ganun. Actually gusto niya rin naman 'yung nangyari, si Alden pa. Kitang-kita naman sa mukha ni Alden na gustong-gusto niya ang nangyari." —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News
More Videos
Most Popular