Mark Herras talks about how daughter Ada changed his life
Bukod sa pagiging 'Bad Boy ng Dance Floor,' nakilala rin si Mark Herras bilang isa sa mga Kapuso heartthrob.
Sa panayam ng “Powerhouse” kasama si Kara David, inamin ng Kapuso artist kung ilan ang naging kasintahan niya sa showbiz.
Kuwento ni Mark, “Siguro mga 10-13 (ang naging girlfriend ko) na puro showbiz. Walang non-showbiz. 'Yung iba, six months lang. Actually, ang pinakamatagal ko na ay si Jen, and then si Ynna. Five years kami.”
Tinutukoy ng aktor ang kapwa “Starstruck” survivor na si Jennylyn Mercado at ang Filipinas actress at singer na si Ynna Asistio.
Ayon kay Mark, naging masakit ang paghihiwalay nila ni Ynna dahil hindi niya masabi rito at sa pamilya nito na magkakaroon na siya ng anak.
“It was a painful breakup. Sobra. Nagka-baby ako and hindi ko masabi sa kaniya at sa family niya nang harap-harapan na magkakaroon ako ng anak. That's why nagpatulong ako kay Nanay Lolit. Sabi ko, 'Nay, interview mo ako sa Startalk. Aamin ako na may anak na ako at magso-sorry ako kay Yna at sa family niya,'” aniya.
Dagdag pa ni Mark, “Ganoong kasakit. Hindi ko magawang aminin sa kaniya nang harap-harapan.Ganun ko siya minahal, and the family itself. Parang ang bigat-bigat.”
Naging magkaibigan muli sila ni Ynna at ng kaniyang pamilya matapos ang isang taon, ngunit higit raw sa lahat, malaki ang naidulot na pagbabago sa kaniya ng anak na si Ada, na dalawang taong gulang na ngayon.
Hindi raw naitago ng kaniyang ama ang tuwa nito nang malamang magkakaanak na si Mark, ngunit matagal pa raw nag-sink in sa aktor na magiging ama na siya.
“Sinabi sa akin nung mommy. Binigyan niya ako ng envelope and she said na four months na siyang pregnant. At that time, umuwi ako ng bahay at ang una kong sinabihan is my dad and my tito. Sobra silang natuwa kasi gusto na nilang magkaroon ng apo talaga,” kwento ni Mark.
Dugtong niya pa rito, “Ako, matagal nag-sink in sa akin. Wala namang lalaki na ready magkaroon ng anak nang biglaan. Inisip ko na lang, siguro gusto sabihin ni God, 'Ah, ayaw mong magtino. Eto, bigyan kita ng anak.'”
Sa ngayon, sinisiguro ni Mark na gaano man siya kaabala sa trabaho ay nakakapaglaan pa rin siya ng oras para kay Ada.
Hindi niya raw pinagsisisihan na ipinanganak si Ada, at kailanman ay hindi niya ito itinuring na problema o pagkakamali dahil ito raw ang pinakamagandang biyayang dumating sa kaniyang buhay.
Ayon kay Mark, “Si Ada, hindi ko siya na-take as problema o pagkakamali. Kasi siya ang biggest blessing sa buhay ko. Natuto akong magtino at maging responsible.”
“Noon kasi, na-enjoy ko ang showbiz, siyempre, money at fame. Masyado akong magastos. Na-realize ko nung pumasok si Ada at marami na akong kailangang ayusin for her future, sabi ko, 'Okay, tatay na ako,'” dagdag pa niya.
Wala pang kasintahan ngayon si Mark at hindi pa rin daw siya sigurado kung makakapag-asawa siya, ngunit sakali raw na may magustuhan siya at may tumanggap na babae sa kaniya, mayroon lamang daw siyang isang kondisyon.
Paliwanag niya, “Package deal na kami. Kung may niligawan ako, kung sakaling tanggapin nila ako, dapat tanggap din nila si Ada. 'Pag di nila tanggap si Ada, hindi puwede. Dapat tanggap nila nang buong-buo 'yung anak ko.”-- FRJ, GMA News