Filtered By: Showbiz
Showbiz
CLOSE ENOUGH

Maine posts ‘One foot, no touch’ pic with Alden to thank AlDub nation


Labis-labis ang pasasalamat ng phenomenal love team na sina Pambansang Bae Alden Richards at Dubsmash Queen Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub sa mga masugid na sumusubaybay sa Kalyeserye ng noontime show na Eat Bulaga.

Nitong Sabado lamang, umabot sa higit 25 million tweets ang nakuha ng #ALDubEBforLove kasabay ng pagbisita ni Alden sa mansyon ni Lola Nidora sa kauna-unahang pagkakataon.

Bilang pasasalamat sa AlDub Nation, ipinakita na ni Maine sa lahat ang "one foot, no touch" photo nila ng Kapuso heartthrob.

Matatandaang dalawa sa mga bilin ni Lola Nidora bago ang pagbisita ni Alden ay bawal magdikit ang dalawa at dapat laging mayroon one-foot space sa pagitan nila.


Sa naunang post, nagpaabot rin si Maine ng lubos-lubos na pasasalamat sa mga sumusuporta sa tambalan nila ni Alden.

Aniya, "Maraming maraming maraming salamat po sa mga sumusubaybay sa kalyerserye at sa mahigit 20M tweets ngayong araw. Sobrang masaya kami ni Alden sa pagmamahal at suportang ibinibigay nyo sa Aldub."

"Maraming salamat po at huwag sana kayong magsawang suportahan ang Eat Bulaga at ang kalyeserye. Wala kaming ibang hangarin kundi magbigay ng SAYA sa inyong mga manonood," dagdag pa ni Maine.

Mahigit dalawang buwan pa lang mula nang aksidenteng mabuo ang kanilang tambalan ni Alden, nakagawa na sila ng ilang commercial na nag-eendorso ng produkto at may pelikula na rin silang ginagawa.
 
Kaya naman mensahe ni Yaya Dub sa AlDub Nation: "Hindi kami aabot sa ganito kung hindi dahil sa inyo kaya buong puso akong nagpapasalamat. Maraming maraming maraming salamat po. AlDub you all! PS, Good vibes lang tayo all the way, ano? Happy happy lang!" —Bianca Rose Dabu/NB, GMA News