Filtered By: Showbiz
Showbiz
Mabuting anak at mapagpakumbaba

Alden Richards, lalong napamahal sa fans matapos ang Magpakailanman


Dalawang taon mula nang unang maitanghal sa Magpakailanman ang buhay ni Alden Richards, inihayag ng aktor kay Tita Mel Tiangco na marami nang nagbago sa kaniyang buhay.

Nitong Sabado, September 12, muling itinanghal ang buhay ni Alden para alamin ang mga pagbabago sa kaniyang buhay at career mula nang una siyang panayam ni Tita Mel noong 2013.

Binalikan sa programa ang mga pagsubok at kabiguan ni Alden sa pag-aartista tulad ng hindi niya pagkakapanalo sa reality-artista-search ng GMA na StarStruck kung saan hindi siya nakalusot sa top 16.

Inamin ni Alden na dumating na siya noon sa punto ng buhay na isuko na ang pangarap na pag-aartista.

Ngunit dala na rin ng kaniyang pangako sa pumanaw niyang ina, na kaniyang number one fan, nagpursige pa rin si Alden sa buhay para na rin sa kaniyang pamilya.

At nang magkaroon ng pagkakataon na mag-audition sa isang serye ng GMA na Alakdana, hindi ito pinalampas ni Alden-- and the rest is history ika nga.

AlDub tandem

Ngayon sikat ang tambalan nila ni Maine "Yaya Dub" Mendoza na "AlDub" sa kalyeserye ng Eat Bulaga, sinabi ni Alden na hindi sila nag-uusap o nagkikita sa labas ng programa.

Bagaman hindi naman daw ito ipinagbabawal sa kanila, sinabi ni Alden na personal nila itong desisyon na pinaniniwalaan niya na siyang "magic" ng kalyeserye.

Ilang beses ding naluha si Alden kapag napag-usapan ang kaniyang ina na siyang nagtulak sa kaniya na abutin ang pangarap. Nalulungkot ang aktor na wala na ang ina para makasama nila at makita nito kung anuman ang tagumpay na kaniyang nakakamit ngayon.

Naniniwala rin si Alden na mas maraming biyaya ang darating sa taong kontento sa buhay at hindi naghahangad ng labis.

Labis din ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang fans at tagasuporta nila ni Maine sa kalyeserye dahil batid ni Alden na hindi niya makararating ang kinalalagyan niya ngayon kung hindi dahil sa suporta ng mga tagahanga.

Samantala, kasabay ng pag-ere ng buhay ni Alden sa Magpakailanman naging trending naman sa Twitter sa Pilipinas at buong mundo ang #AldenRichardsOnMPK.

Ihayag dito ng netizens ang lalo nilang paghanga sa pagkatao ni Alden bilang isang mabuting anak, nagpapahalaga sa kapakanan ng pamilya, at pagiging mapagpakumbaba sa kabila ng mga biyayang nakakamit.



-- FRJimenez, GMA News