Filtered By: Showbiz
Showbiz
All Natural

Ang unang kilig, pagkikita, at pagkakalapit ng 'ALDub'


Natural na reaksiyon ang nakikita sa mga pangunahing karakter sa kalyeserye ng Eat Bulaga dahil hindi rin nila batid ang kalalabasan ng mga eksena. Kaya naman kahit biktima ng kidnapping sina Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza, hindi nila maitago ang saya nang muli silang magkita.

Sa isang panayam kay Vic Sotto, sinabi nito na maging silang mga host ng Eat Bulaga at kasamang nanonood sa kalyeserye ay piniling huwag malaman ang mga mangyayari para makita rin ng mga manonood ang normal nilang reaksiyon.

Matatandaan na nagsimula ang AlDub love team sa ipinakitang natural na "kilig" ni Yaya Dub nang makita niyang pinapanood siya ni Alden na nasa studio habang nagda-dubmash ang dalaga.



Noong nakaraang Sabado, o pagkaraan ng pitong linggo mula nang mabuo ang AlDub, nagkita sa unang pagkakataon sina Alden at Maine. Pero bigo silang magkalapit nang biglang may humarang na pader na plywood sa kanilang pagitan.



Gayunman, makikita sa naturang eksena na hindi naitago ni Maine ang saya nang makita nang personal si Alden na crush niya noon pa man bago siya mapasama sa Eat Bulaga.

Sa isang panayam ng 24 Oras kay Alden, inamin nito na kinilig din siya nang unang makita nang personal si Maine pero pinigil niya ito.







Sa eksena nitong Sabado, September 12, muling nagkita sina Alden at Yaya Dub matapos pagsamahin ni Duhrizz na natuklasang nagpadukot sa dalawa.

Kapwa may takip sa kanilang mga mata ang dalawa nang ipakuha ni Duhrizz. At nang alisin ang piring at makita muli ang isa't isa, makikita sa labi ni Alden at natural na kasiyahan na makitang muli si Maine.

Sinuklian naman ito ng pa-cute na pabebe wave ni Maine kay Alden.



Dati nang sinabi ng ilang eksperto na ang pagiging natural ng mga karakter sa kalyeserye, mga aral ng istorya at kilig na dulot nito ang dahilan ng tagumpay ng programa.

At ito rin ang nakikita ng AlDub followers.




-- FRJ, GMA News
Tags: kalyeserye, aldub