'AlDub' kalyeserye, itinuturo sa isang klase sa UP
Dahil may moral lesson at social relevance din na hatid ang kalyeseryeng AlDub ng Eat Bulaga, tinatalakay na rin ito maging sa isang klase sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City.
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing paksa ng Filipino class ni Professor Mykel Andrada.
Bukod daw kasi sa kilig at sayang hatid ng kalyeserye ng Eat Bulaga, nakapagbubukas din ito ng isipin at kamalayan ng mga manonood sa maraming usapin.
"Bukod sa maraming aral na napupulot natin makikita natin na beyond ng moral notion, beyond ng notion ng kilig ng AlDub, mayroon itong mas malalim na socio-political na komentaryo sa ating lipunan," paliwanag ni Andrada.
Sa likod nga daw ng pagpapa-cute ng AlDub, dapat makita ang makatotohanang konsepto ng tunay na pag-ibig, na binabalanse ng mga pangaral ni Lola Nidora.
Ipinapakita raw ni Lola Nidora sa pinaka-nakakatawang paraan ang mga bagay na hindi dapat gawin gaya ng panunuhol, pananakit, at paggamit ng yaman para manaig.
"Binabasag din niya yung mga maling concepts ng pag-ibig. Sinasabi niya rin na huwag nating tularan ang mga maling praktis," dagdag ng propesor.
Maging ang propesor at kolumnistang si Randy David, tinalakay na rin ang AlDub.
Maaaring kaya raw nakakarelate ang marami sa kuwento ni Yaya Dub ay dahil sinasalamin niya ang pribadong sarili ng mga tao.
Basahin: Lola Nidora's word of wisdom : 'Ang pag-ibig ay nararamdaman, hindi binibili'
Ang ganitong pananaw ay kinatigan naman ng mga mag-aaral, bukod pa sa aral na iniiwan ng mga mensahe ni Lola Nidora. -- FRJ, GMA News