Filtered By: Showbiz
Showbiz
Remembering 'Da King' Fernando Poe Jr.
Kung hindi pumanaw dahil sa karamdaman noong Disyembre 2004, ipagdiriwang sana ng nag-iisang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr., ang kaniyang ika-76 kaarawan sa Huwebes, August 20.
Ilang araw bago ang kaarawan ni FPJ, isang infomercial ang inilabas ng kampo ni Senador Grace Poe, upang magbigay-pugay sa alaala ng kaniyang ama.
Years may have passed since he left the earth, but FPJ's legacy still rings true in this clip sent in by a supporter. 2 more days to FPJ's Birth Anniversary! #LongLiveTheKing #MayPOEreber
Posted by Grace Poe on Monday, August 17, 2015
Sa naturang anunsyo, ipinaalala ang pinagdaanang hirap ni FPJ na maagang maulila sa kaniyang ama sa edad na 12 at kailangang itaguyod ang kaniyang pamilya.
Ang naturang karanasan ang dahilan kung bakit umano naging masigasig si FPJ sa buhay at may malasakit sa mahihirap.
"May puso siya para sa lahat, lalo na sa mahirap at naaapi. Walang halaga ang talino at karanasan kung wala kang puso at katapatan,” anang senadora sa naturang infomercial.
Isinilang noong 1939 sa Maynila si FPJ, na Ronald Allan K. Poe sa tunay na buhay.
Isa ring aktor at direktor ang kaniyang ama na si Poe Sr., na naging tanyag sa pelikula nitong Palaris.
Nang biglang pumanaw ang ama, napilitang magtrabaho sa murang edad si FPJ at nagsimula bilang ekstra sa pelikula at body double ng ilang bida sa pelikula. Naging big break sa showbiz career ni FPJ nang gawin siyang bida sa pelikulang Anak ni Palaris. At mula noon, unti-unti na siyang gumawa ng pangalan sa industriya ng showbiz na kaniyang minahal.
Noong Nobyembre 2003, nagdeklara si FPJ ng kaniyang intensiyon na tumakbo sa 2004 presidential elections bilang tugon sa panawagan ng mga tao na pamunuan niya ang oposisyon laban sa liderato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay FPJ, ang pagtakbo sa halalan ang pinakamabigat na desisyon na ginawa niya sa kaniyang buhay.
Sa kaniyang talumpati nang magdeklara ng kaniyang kandidatura, binigyan-diin ni FPJ ang kahalagahan ng "puso" sa paglilingkod at pagbibigay ng pag-asa sa mamamayan tungo sa tinawag niyang "bagong umaga."
"Huwag nating aalisin ang pag-asa ng isang tao baka yun na lang ang natitira sa kaniya," saad noon ng namayapang aktor.
Naging kontrobersiyal ang pagkatalo ni FPJ sa resulta ng May 2004 presidential elections, at naghain ito ng protesta sa pagkapanalo ni Arroyo.
Pero ilang buwan lang pagkaraan ng halalan, nagluksa ang bansa nang biglang pumanaw si Da King sa edad na 65 noong Disyembre 11, 2004 dahil sa stroke.
Sa isang episode ng GMA's Tunay Na Buhay noong 2013, inilahad ng ilang nakatrabaho ni FPJ sa pelikula ang pagiging simple, maasikaso at pantay na pagtingin nito sa lahat.
Sa naturang programa, sinabi ni Sen Grace Poe na ang aral sa tunay na buhay ng kaniyang ama, "kung ang intensyon mo sa buhay ay makatulong at magsisipag ka, may mararating ka. Kapus ka man sa pagkakataon, kung magpipilit ka, magpupursige, magsisipag ka, makakaangat ka rin."
Dagdag pa niya, "Yung sa tatay ko naman komportable siya (sa buhay) pero mas marami siyang natulungan kaya kahit wala na siya ang legasiya na iniwan niya ay nabibiyaan pa rin ang pamilya niya."
Noong July 20, 2012, idineklara ng administasyong Aquino bilang National Artist for Film si FPJ.
-- FRJimenez, GMA News
Tags: fernandopoejr
More Videos
Most Popular