April Boy Regino, nawawalan na ng paningin dahil sa kaniyang sakit
Nawawalan na ng paningin si April Boy Regino, ang singer sa likod ng OPM hit songs gaya "Paano Ang Puso Ko," "Umiiyak Ang Puso" at ang "Di Ko Kayang Tanggapin."
Pero sa kabila ng pinagdadanan, hindi nawawala ang pananampalataya April Boy sa Diyos at sinisikap pa rin niyang mamuhay nang normal at patuloy na makagawa ng mga kanta.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nagtungo si April Boy sa GMA Network Center para pumirma ng kontrata sa GMA Records.
Kapansin-pansin umano na kailangan na siyang alalayan sa paglalakad dahil halos bulag na ito at ang kanang mata na lang ang nakaka-aninag.
Ang pagkabulag ay dulot umano ng sakit niyang diabetic retinopathy.
Una rito, nalampasan ni April Boy ang prostate cancer pero nagkaroon naman siya ng sakit sa puso.
Bagaman sa simula ay hindi umano niya maunawaan kung bakit dinapuan siya ng mga matitinding karamdaman, naliwanagan siya dahil sa bibliya.
"Talagang nagtatampo ko sa Diyos dahil hindi ko maintindihan kung bakit ako binigyan ng ganitong karamdaman. Tapos nu'ng naisip ko na, nag-aaral na ko ng bible, ganun pala parang pinapalo ka lang ng Diyos," aniya.
Aminado si April Boy na naging pabaya siya noon sa sarili.
Akalara raw niya ay retired na siya sa kaniyang singing career kaya masaya siya nang pumirma siya ng recording contract sa GMA.
"Sabi ko, ang galing, ano, may edad na ko tapos may diperensiya pa ko, kinukuha uli ako ng GMA Records," ayon kay April Boy.
Pahayag naman ni Mr. Felipe S. Yalong, Executive Vice President and COO, GMA Records, "We're so happy kasi na he's back again in the recording industry 'no, after more than 12 years na nawala siya and I assure you that the network, especially GMA Records is all out in support of April Boy."
Pero mula sa love songs, Christian songs na ang laman ng album ngayon ni April Boy.
Nang iparinig ni April Boy ang kaniyang carrier single na patungkol sa kaniyang pinagdadaanan, hindi napigilan ng mang-aawit na mapaluha. -- FRJ, GMA News