Cherie Gil joins GMA's afternoon prime drama series 'The Half Sisters'
Nagbabalik-telebisyon ang primera kontrabida at batikang stage, film, at television actress na si Cherie Gil bilang bahagi ng GMA Afternoon Prime series na “The Half Sisters,” na higit sa isang taon nang napapanood sa Kapuso Network.
Ayon kay Cherie sa isang panayam sa “Balitanghali” nitong Miyerkules, pressured pero excited raw siya ngayong gaganap muli siya bilang isang karakter sa isang TV series.
“Matagal ko nang hindi nagagawa ang ganitong klaseng papel. Isang taon na rin, so I'm looking forward to create new lines and quotes and it's a challenge for me to come up with memorable lines again,” aniya.
Excited na rin daw ang aktres na makaeksena ang kaniyang kaibigan na si Jean Garcia, pati na ang bagong henerasyon ng mga aktor at aktres na bumibida sa “The Half Sisters,” kabilang na sina Barbie Forteza, Thea Tolentino, at Andre Paras.
Gaya ng nakagawian, isang kontrabida role muli ang bibigyang-buhay ni Cherie.
“Feeling ko ako ang manggugulo sa kanilang lahat. Ako ang mambubulabog.”
Nakilala ang aktres sa kaniyang mga natatanging pagganap sa pelikula, entablado at telebisyon, lalo na sa “Bituing Walang Ningning” kung saan pinasikat niya ang linyang “You're nothing but a second-rate, trying hard copycat!” -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News