Bakit nga ba nabuwag ang haligi ng OPM na Apo Hiking Society?
Apat na dekado o 40 taong naging miyembro ng Filipino musical trio na Apo Hiking Society ang aktor at performer na si Boboy Garovillo, kasama sina Danny Javier at Jim Paredes.
Pinasikat ng tatlo ang mga timeless hit na ginawan na rin ng cover ng ilang sikat na Pinoy bands at singer, tulad ng “Awit ng Barkada,” Bakit ang Babae,” “Batang-bata Ka Pa,” “Bawat Bata,” “Blue Jeans” “Di Na Natuto,” “Doo Bi Doo,” “Ewan,” “Harana,” at marami pang iba.
Noong 2008, nagkaroon ng reunion concert ang Apo Hiking Society makaraan ng ilang taong pamamahinga. At noong Disyembre 2009, nasundan pa ito world tour na naging
“farewell” series of concert nila sa iba't ibang bahagi ng mundo.
Kuwento ni Boboy sa isang episode ng “Tunay na Buhay;” “Nung 2009, nag-schedule kami ng concerts. We have to go to Cebu, we have to go to Davao, we have to go to New Zealand, to East Coast, to West Coast, to say goodbye. So parang nag-goodbye tour kami.”
Aniya, bukod sa dahilang “diminishing creative process” na sinabi na nila noon sa media, mayroon din silang sari-sariling dahilan kung bakit napagdesisyunan nilang maghiwa-hiwalay na ng landas matapos ang 40 taon.
“Maraming reasons. Unang-una, individually, may kanya-kanya kaming ginagawa. Ako, on my own, I'd go to television, I'd go into acting, kasi 'yon ang hilig ko talaga," ani Buboy. "Si Danny has been a consultant for different companies for the past eight years na siguro. Si Jim is teaching in Ateneo.”
Sa kabila ng maraming offers para sa isang reunion concert, sinabi ni Buboy hindi pa raw muna makakapag-perform muli nang magkakasama ang grupo.
Matapos mabuwag ang Apo Hiking Society, tuluyang pinasok ni Boboy ang pag-arte at nakasama siya sa ilang teleserye at pelikula. Kabilang dito ang “Close To You” na pinagbidahan nina Sam Milby at Bea Alonzo, kung saan gumanap siya bilang asawa ng beauty queen na si Melanie Marquez.
Gumanap rin siya bilang amain ng karakter ni Bea Binene sa seryeng “Alis Bungisngis and her Wonder Walis” noong 2012.
Ayon kay Melanie, "Of course, everybody know him because of Apo Hiking Society. I admire him a lot. But I didn't know Boboy could act so well. Mas magaling siyang aktor.”
Bukod pa sa kaniyang pagpasok sa showbiz at pag-arte sa pelikula at telebisyon, sinamantala rin niya ang pagkakataon upang maging mas mabuting asawa at ama sa kaniyang dalawang anak.
“Nung bata pa yung mga anak ko, nung maliliit pa, hindi ko masyadong nasubaybayan. Siyempre may regrets, lalo na ngayon, naramdaman ko nang nagbinata na sila. Parang, 'Uy, ang daming kong na-miss.' So, binawi ko,” pagbabahagi ni Boboy.
At pagbahagi ni Buboy sa aral ng kaniyang tunay na buhay, dapat may plano sa buhay at magpursige na makamit ang mga planong ito. -- FRJ, GMA News