'Eat Bulaga' kalyeserye #Kiligpamore
Napuno ng tensiyon at emosyon ang nakaraang linggo ng kauna-unahang kalyeserye sa telebisyon na #Kiligpamore ng Eat Bulaga! Mayroong bumalik at may bagong karakter na umeksena na hadlang sa pag-iibigang 'AlDub' forever nina Alden at Yaya Dub.
Bumalik mula sa Africa si Dra. Dora The Explorer, ang apo ng kontrabidang si Lola Nidora.
Pero kung tutol si Lola Nidora kay AlDub forever, big fan naman pala ng #Kiligpamore si Dra. Dora.
Samantala, hindi rin nagtagal ang kalayaan para sa pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub nang Makatakas sa kulungan makaraang hulihin ng mga pulis si Lola Nidora.
Nagawa niyang makabalik sa Sugod-Bahay gang matapos mag-disguise bilang si Lola Aunor.
Umeksena rin ang bagong karakter na sagabal sa 'AlDub' forever nang dumating ang mayamang si Frankie A. Arinoli na magiging karibal ni Alden sa puso ni Yaya Dub.
Wala namang nagawa si Alden nang sapilitang hingin ni Frankie ang kamay ni Yaya Dub mula kay Lola Nidora dahil sa ipinangako nitong pera para mabawi ang "book of secret."
Nakasaad daw sa libro ang dahilan kung bakit tutol si Lola Nidora sa pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub. Malalaman daw ang naturang sikreto sa "tamang panahon."
Pero isang araw bago ang nakatakdang sapilitang kasal nila ni Frankie, nakatakas si Yaya Dub matapos ang kanilang prenup pictorial.
Ngunit nangako si Lola Nidora na gagawa siya ng paraan para matuloy ang kasal na itinakda nitong Sabado at inimbitahan na ang buong dabarkads.
Sa kasal nina Yaya Dub and Frankie o "Yakie" wedding, unang pagkakataon na sanang magkikita sina Alden at Yaya Dub pero hindi natuloy nang biglang himatayin at dalhin sa ospital si Yaya Dub.
Hindi man sila nagkita, hindi rin naman natuloy ang "Yakie" wedding ng taon kaya nananatiling buhay ang 'Aldub' fever.
-- FRJimenez, GMA News