Filtered By: Showbiz
Showbiz
Alamin kung nasaan na sila ngayon

Si JunJun ni Vilma, si Ding ni Darna, at ang lalaking sinampal ni AiAi sa bilyaran


May kasabihan sa showbiz na walang maliit o malaking role na ginagampanan sa pelikula. Ang mahalaga raw ay tumatak sa mga manonood ang eksena; tulad ng karakter na batang may autism sa "Ipagpatawad Mo"; ang batang si Ding na kapatid ng Pinay superhero na si Darna,; at ang binatilyong nasampal sa bilyaran ni AiAi Delas Alas sa Tanging Ina.

'Walang kasalanan si Junjun'

Sumikat noong 199o's ang batang aktor na gumanap sa “Ipagpatawad Mo” bilang mentally-challenged na si Junjun. Siya si Benette Ignacio sa tunay na buhay.


 
Ginampanan ni Benette ang role ng mas batang si Junjun, na naging anak sa naturang pelikula nina Vilma Santos at Christopher de Leon.
 
Dahil sa kondisyon ni Junjun, laging nag-aaway ang karakter nina Vilma at Christopher.
 
At kabilang nga sa tumatak na linya sa pelikula ang naging komprontasyon ng mag-asawa.
 
"Hindi kasalanan ni Junjun na ipanganak siyang kulang!" banggit ni Vilma.
 
Madiin namang sagot ni Christopher, "Inutil si Junjun!"
 
Ang kaawa-awang bata noon na si Benette na gumanap na si Junjun, 27-anyos na ngayon at graduate ng Hotel and Restaurant Management. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang receptionist sa isang paaralan.


 
Sa nakaraang episode ng GMA show na “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ni Benette na
kahit challenging para sa karamihan ang pagganap niya bilang mentally-challenged na si Junjun, pero ang totoo ay parang naglalaro lang daw siya noon.
 
“Hindi ko pa alam na umaarte ako, na ang kasama ko na pala ay big stars at director-- Laurice Guillen at Vilma Santos, Christopher de Leon,” kuwento ni Benette, na unang nakilala sa showbiz matapos nanalo sa isang baby contest.
 
Ibinahagi naman ng lola ni Benette na "itlog" ang naging susi para mahusay na magampanan ng kaniyang apo ang role bilang si Junjun.
 
“Sa itlog lang siya pinapatingin noon. Hindi puwedeng tumingin kahit saan. Kahit sa iba pa niyang pelikula at endorsement, sa itlog lang talaga siya pinapatingin,” kuwento nito.
 
Si Ding na 'di nakahawak ng mahiwagang 'bato'

Sa bawat pelikula ng Pinay superhero na si Darna, hindi mawawala ang kaniyang sidekick na si Ding.

At isa sa mga unang gumanap na Darna noong 1960's ay si Liza Moreno para sa Si Darna At Ang Impaktita at sequel na Isputnik vs Darna.



Sa dalawang nabanggit na Darna movies, ang gumanap na si Ding ay ang child star nang panahong iyon na si Danilo Jurado o Jose Jurado III sa tunay na buhay.

Ngayon, 64-anyos na si Danilo, may asawa at dalawang anak.

Bukod sa pagdidirek ng independent films, napapakinggan din ngayon si Danilo sa radyo.



Maliban sa Darna movies, nagbida rin noon ang child star na si Danilo sa ilang pelikula gaya ng Ama Namin at movie adoptation ng Marcelino ng Pilipinas.

Nang mawala siya sa showbiz, naging singer/entertainer siya sa ibang bansa at sa Pilipinas.

Pero hindi pala gaya ng ibang gumanap na "Ding," sinabi ni Danilo na kahit minsan ay hindi niya nahawakan noon sa dalawang pelikula ang mahiwagang "bato" na isinusubo ni Narda para maging si Darna!.

"Sampalan sa bilyaran"

Samantala, sino ang makalilimot sa madramang eksena sa pelikulang "Tanging Ina" ni Ai Ai delas Alas kung saan nagkaroon sila ng komprontasyon ng bolakbol na anak na ginagampanan ni Carlo Aquino sa isang bilyaran.



Pero ang madramang eksena, naging comedy nang sa halip na si Carlo ang masampal, ang sumalo ng palad ni AiAi ay ang ektrang napagitna sa kanila-- si Teody Allado Jr.

Ayon kay Teody, 3rd year high school siya noon at nag-cutting class para makasamang ekstra sa pelikula matapos ayain ng mga kaibigan.



Maigsi man ang kaniyang papel, masaya si Teody dahil instant sikat siya sa kanilang lugar hanggang ngayon kapag ipinapalabas sa telebisyon ang pelikula.

Napunta raw sa kaniya ang markadong papel dahil siya ang napagkaisahan ng kaniyang mga kaibigan na sasampalin ni AiAi.

Pero dahil na rin sa kakapusan sa pera, hindi na natapos ni Teody ang kaniyang kursong criminology.  Ngayon, ang pagiging delivery boy ang kaniyang pinagkakakitaan.

Kung bibigyan daw ng pagkakataon, gusto muli ni Teody na umekstra sa pelikula.

Ang hindi alam ni Teody, gumawa ng paraan ang programang KMJS upang magkita silang muli ni AiAi at muli nilang ginawa ang markadong eksena.



Ayon kay AiAi, nang gawin nila ang huling sequel ng Tanging Ina, ipinahanap niya si Teody para makasama sa pelikula pero nabigo ang produksiyon.

Kaya naman laking gulat ng Kapuso comedienne nang makita niyang malaki na si Teody...si Teody na kahit maliit lang ang naging papel ay naging malaking bahagi ng matagumpay niyang pelikula. -- FRJimenez/GMA News