Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bandang Aegis, pinagbuklod ng hangaring maiahon sa hirap ang kani-kanilang pamilya


Nagsimula bilang entertainers sa tinaguriang “Land of the Rising Sun” na Japan ang bandang Aegis, isa sa mga itinuturing na pinakasikat na banda sa bansa na nagpakilala ng timeless hits gaya ng “Halik,” “Luha,” “Sinta,” at “Basang-basa Sa Ulan.”
 
Nagmula sa iba't ibang banda na nagkasama-sama, ang Aegis ay binubuo ng magkakapatid na Juliet, Mercy, at Ken Sunot, at sina Stella Pabico, Vilma Goloviogo, Weng Adriano, at Rey Abenoja
 
Sa isang panayam sa programang “Tunay na Buhay” ni Rhea Santos nitong linggo, inamin ng mga miyembro nito na hindi nila pinangarap noon na pumasok sa industriya.
 


Sa halip, hangad nilang makatapos ng pag-aaral at maging propesyunal gaya ng nurse at guro para maiahon sa kahirapan ang pamilya.
 
“Sadya ng pagkakataon. Sa hirap ng buhay, kailangan mong huminto ng pag-aaral. Hindi na kaya ng mga magulang mo na pag-aralin ka kaya kailangan mong kumita sa murang edad,” ayon kay Weng Adriano, bassist ng Aegis.
 
Hindi naglaon, nagsimula silang mag-record ng demo tape sa Pilipinas noong 1997, na siyang narinig ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. (FILSCAP) at naging daan upang maging recording artists at talents sila sa ilalim ng Alpha Music Corporation.
 
Mula sa pagiging A.G. Sound Trippers, nakilala na sila bilang “Aegis,” isang Greek word na ang ibig sabihin ay “shield” o “defense.”
 
Inilabas ang kanilang kauna-unahang self-titled album noong 1998 kasabay ang carrier single na “Halik,” na nasundan pa ng maraming hit songs.
 
Dahil sa pumatok ang kanilang mga awitin, tumanggap ang grupo ng iba't ibang parangal, kabilang na ang Quadruple Platinum Album award noong 2002.
 
Makalipas ng 17 taon mula nang makilala ang kanilang banda, patuloy ang Aegis sa paggawa ng kanta na sumasalamin sa iba't ibang emosyon at sitwasyon sa tunay na buhay.
 
At patunay sa walang kupas na kasikatan ng Aegis ang itinuturing na longest-running Pinoy musical kung saan tampok ang kanilang mga awitin: ang "Rak of Aegis." Nasa ikatlong pagbabalik na ito mula nang unang ipalabas sa establado noong 2013 sa ilalim ng Philippine Educational Theater Association (PETA).
 
Ngayong taon, muling magiging aktibo sa music scene ang Aegis na malalabas ng kanilang panibagong album. Magsasagawa rin sila ng first major concert sa bansa sa Huwebes, July 23, sa Music Museum. -- FRJimenez, GMA News