Mark Anthony Fernandez on non-showbiz girlfriend: 'Siya ang soulmate ko'
Matapos ang sunod-sunod na pagsubok na kinaharap ng aktor na si Mark Anthony Fernandez nitong mga nakaraang taon, masayang-masaya na siya ngayon dahil bukod sa napabilang siya sa star-studded cast ng GMA Primetime series na “Let The Love Begin,” natagpuan na rin niya ang babae na bago niyang mamahalin.
Inihayag ng aktor ang labis na kaligayahan ngayong nalalapit na umano ang pagsasama nila ng kaniyang 23-year-old model girlfriend na si Diana, na nakilala niya sa pamamagitan ng kanilang mutual friends.
Maikling pahayag ng aktor hinggil sa kaniyang bagong pag-ibig, “Siya yung soulmate ko.”
Ilang buwan na ang nakalilipas nang napabalita na ilang araw na natulog si Mark Anthony sa musoleo ng kaniyang namayapang ama na si Rudy Fernandez dahil nalulungkot umano siyang mag-isa sa kaniyang bahay mula nang maghiwalay sila ng kaniyang asawa na si Melissa noong nakaraang taon.
Ayon kay Mark Anthony, napag-usapan na nila ni Melissa ang kanilang sitwasyon at walang problema sa kanila, pati na sa usapin ng kaniyang mga anak.
“Ang importante, mabuti kami nung ex (wife) ko sa mga bagay-bagay. Nagkakasundo kami,” aniya. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News