Filtered By: Showbiz
Showbiz

GALLERY: Balik-Kapuso Alice Dixson's ageless beauty


 
 
 
 
 
 


Isa ang batikang aktres na si Alice Dixson sa mga patuloy na itinuturing bilang pinakamagagandang mukha sa showbiz, at matapos nga ang higit sa 20 taon niya sa showbiz bilang artista, model, at endorser, kitang-kita na hindi nga napabayaan ng aktres ang kanyang kalusugan at pangangatawan.
 
Unang nakilala ang aktres nang sumali siya sa Binibining Pilipinas noong 1986 at maging kinatawan ng bansa sa Miss International pageant noong taong iyon.
 
Simula noon, naging madalas na ang paglabas ni Alice sa mga commercial, hanggang sa maging bahagi na siya ng mga pelikula gaya ng “Hanggang Saan, Hanggang Kailan,” “Ang Panday 2,” “Enteng Kabisote,” at “Dyesebel,” at mga programa gaya ng “Okay Ka, Fairy Ko,” “Ang Iibigin ay Ikaw,” at “Hanggang Kailan.”
 
Huling napanood sa Kapuso Network si Alice noong 2005 sa “Darna” adaptation na pinangunahan ni Angel Locsin, at saka siya panandaliang namahinga mula sa industriya.
 
Noong 2011 ay nagsimula muli siyang lumabas sa mga teleserye at mga pelikula, at noong December 2013 nga ay naging cover girl pa siya ng FHM, na naging daan upang makilala siya bilang isa sa mga “ageless beauties” ng Philippine showbiz.
 
Ngayong taon, balik-Kapuso ang aktres bilang isa sa mga bubuo ng star-studded cast ng ikalawang Pinoy remake ng "Marimar,” na pagbibidahan nina 2013 Miss World Megan Young at Tom Rodriguez. —JST, GMA News