Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dating Bb. Pilipinas International Krista Kleiner, hiwalay na sa asawa


Hiwalay na ang dating beauty queen na si Krista Kleiner sa napangasawa niyang Malaysian businessman. Sa ngayon, nakatuon ang kaniyang atensiyon na makamit ang pangarap niya international showbiz career.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabi na may isang taon na mula nang bumalik ang dating Kapuso star na si Krista sa bahay ng kaniyang mga magulang sa California.

Ayon kay Krista, nagkaroon sila ng hindi pagkakasundo ng kaniyang mister at hindi na nila ito naresolba.



"We tried to work it out, we really did and it's just wasn't something that could be fixed at that point," aniya.

Sa pagbabalik sa Amerika, pinagkaabalahan ni Krista ang pagbuo ng international career tulad ng pagsulat at pagre-record ng mga kanta.

Isa ang Black Eyed Peas member na si Taboo sa mga naging mentor niya bilang recording artist.

Pursigido si Krista na makamit ang kaniyang pangarap na international showbiz career kaya naman kumuha siya ng writing, voice, acting classes at iba pa.

Sa ngayon, hindi pa raw handang pumasok sa panibagong relasyon si Krista. -- FRJ, GMA News