Filtered By: Showbiz
Showbiz

AiAi helping Jiro Manio, pleads for privacy for former child star


Matapos lumabas ang balita tungkol sa pagpapalaboy-laboy ng multi-awarded actor at “Magnifico” star na si Jiro Manio sa Ninoy Aquino International Airport nitong Linggo, isa si AiAi Delas Alas sa mga nalungkot at nagnais tumulong sa dating aktor.
 
Matatandaang ilang taon ding nagsama sa isang movie franchise si Jiro at AiAi, kung saan gumanap ang batang aktor bilang isa sa mga anak ng batikang aktres at komedyante.
 
Sa isang Instagram post nitong Miyerkules, sinabi ni AiAi na nakausap na niya si Jiro, at siniguro niya rin sa lahat ng mga nag-aalala para dito na nasa maayos nang kalagayan ang dating aktor.
 
Bukod pa diyan, ipinahayag rin ng aktres ang kagustuhan ng former child actor na manahimik na lamang at huwag nang pag-usapan ang mga balita at tsismis na kumakalat tungkol sa kanya, gayundin ang anomang may kinalaman sa showbiz.
 
Ayon kay AiAi, “Nakausap ko na po si Jiro and he trusts me. Ayaw na po niyang pag-usapan ang tsismis showbiz.. BUT HE'S OKAY AND GOOD. Nirerespeto ko po ang hiling nya na 'wag nang mapagusapan (tungkol sa) kung ano-ano o tsismis. Gusto ko lang ibalita na okay siya at sisiguraduhin kong mas MAGIGING OK PA SIYA.”
 
 
Sa mga naunang pahayag, nakiusap na rin ang Comedy Concert Queen at “Let The Love Begin” star sa mga basher na huwag agad husgahan si Jiro, na anak-anakan niya sa pelikula.
 
"Hindi niya kailangan yun ngayon (paghuhusga). ang kailangan niya ay tunay na tulong mula sa mga totoong tao," pahayag ni AiAi sa isang panayam kay Nelson Canlas ng GMA News.
 
Dagdag pa rito, handa rin umano siyang personal na dalhin si Jiro sa drug rehabilitation facilities o sa isang ospital kung kinakailangan, kaya naman kasabay ng kanyang hangarin na makatulong ay ang pakikipag-ugnayan niya rin sa pamilya ng dating aktor.
 
Matatandaang noong kumalat ang balita na ilang araw nang namamalagi si Jiro sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport, kaagad na nag-post si AiAi sa kaniyang Instagram account ng panawagan kung saan makikita ang aktor na ilang beses na niyang anak sa pelikula tulad ng "Tanging Ina." http://www.gmanetwork.com/news/story/513974/showbiz/chikaminute/jiro-manio-sinundo-na-ng-kapatid-aiai-delas-alas-nais-tulungan-ang-anak
 
Sa ulat ni Nelson sa "Chika Minute" ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni AiAi na plano niya sanang sunduin si Jiro sa airport. Gayunman, nalaman niya na tanging sa mga kaanak lamang maaaring ipaubaya ng airport police ang kostudiya ng aktor.
 
"Dapat pupunta ako sa kaniya pero sabi naman nila sa pulis dun sa NAIA police, hindi puwede, kailangan family lang ang kukuha kay Jiro," ani AiAi.
 
Dagdag pa ng aktres, maging ang mga naging kapatid sa pelikula ni Jiro na sina Marvin Agustin at Nikki Valdes ay nagpahayag din ng hangarin na tulungan ang dating aktor.
 
Nitong Miyerkules, nag-post si AiAi sa kaniyang Instagram account ng katagang, "I may not be your biological mom. But I'll try to help you the very best way I can. "
 
 

.. I may not be your biological mom .. But ill try to help you the very best way i can .. ????????

A photo posted by Martina Eileen Delas Alas (@msaiaidelasalas) on

 
—Bianca Rose Dabu/JST, GMA News