WATCH: Dating child star na si Jiro Manio, palaboy-laboy umano sa NAIA
Ilang araw na umanong namamalagi sa Terminal-3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dating award-winning child actor na si Jiro Manio.
Sa "Chika Minute" report ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabi ng mga empleyado ng NAIA na nakakaawa raw ang lagay ni Jiro na paikot-ikot lang daw ngayon sa terminal ng paliparan.
Kaya naman daw nagtulong-tulong sila para mabigyan ng pera, pagkain at damit ang dating child star.
Nananawagan din sila ng tulong mula sa mga dating kasamahan sa showbiz ni Jiro.
Samantala, inihayag ng isang guwardiya ng naturang airport kay GMA News stringer Ariel Fernandez, na apat na araw na umanong nananatili sa paliparan ang dating aktor.
Bukod sa mga guwardiya, nag-aambagan din umano ang ilang may puwesto sa airport para makalikom ng kaunting halaga na ibinibigay nila kay Jiro.
Nais ng mga tumutulong kay Jiro na makaalis na ito sa paliparan at muling naisaayos ang buhay.
Wala pang makapagbigay ng paliwanag sa lagay ng dating aktor at sa dahilan kung bakit siya palaboy-laboy ngayon sa nasabing airport terminal.
Noong 2004, humakot ng parangal ang pinagbidahan niyang pelikula na "Magnifico" kung saan itinanghal siya bilang best actor sa ilang award giving bodies tulad ng FAMAS at Gawad Urian.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung paano at bakit nagpunta si Jiro sa nabanggit na paliparan.
Noong March 2012, naka-gradute ng high school si Jiro sa Rizal Experimental Station and Pilot School of Cottage Industries sa Pasig City.
Sa naturang pagtatapos, nabigyan pa siya ng special award bilang Most Inspiring Student.
BASAHIN: Jiro Manio voluntarily enters drug rehabilitation center
Pero bago nito, pumasok sa drug rehabilitation center na Home Care si Jiro noong 2011 dahil sa pagkalulong nito sa droga.
BASAHIN: Jiro Manio admits past mistakes and says it's not too late to change
Sa dating panayam, inamin ni Jiro na naging unprofessional siya at binalewala niya ang kanyang showbiz career dahil sa kanyang bisyo.-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News