Filtered By: Showbiz
Showbiz

Daring na sexy star noon, paglalako ng mga paninda ang ikinabubuhay ngayon


Kasabay ng mabilis na pagsikat niya bilang isa sa daring sexy stars noong 1980s, mabilis ding kumupas ang ningning ng bituin ni Glenda Araneta, na nakilala sa showbiz dahil sa mga pinagbidahan niyang sexy film gaya ng "Tuksuhin Natin ang Gabi" at "Room 69."


 
 
Hindi tulad ng ibang sexy star na nakaranas ng trahedya o nalulong sa masamang bisyo, simpleng kakulangan lamang sa pagmamahal sa trabaho ang naging dahilan ng pagtamlay ng career ni Glenda bilang isang artista.

Sa panayam ni Mariz Umali sa programang "Tunay na Buhay," inamin ni Glenda na noong panahon ng kaniyang kasikatan, mas ginusto niya na mapag-isa at manatili lamang sa bahay. Kaya naman mayroong mga pagkakataong hindi na niya sumisipot ang shootings o tapings, na ikinagalit ng kaniyang mga katrabaho at manager at naging dahilan ng kaniyang pagbagsak.
 
“Sana pinagbutihin ko. 'Pag minamahal mo kasi ang trabaho mo, magtatagal. Ako, obviously, hindi ko minahal kaya hindi rin nagtagal,” pag-amin ni Glenda, na nagsimulang mag-artista at sumabak sa sexy roles noong 14-anyos lamang siya.
 
Ngayon, pagkaraan ng dalawang dekada, ang pinagkakakitaan ng dating sexy star ay ang paglalako ng iba't ibang paninda para kumita. Kabilang daw sa kaniyang mga itinitinda ay mga personal na gamit, mga gamit sa bahay, at pagkain tulad ng atsara na siya mismo ang gumagawa.
 
Ginagawa niya ito habang nagtatrabaho naman sa ibang bansa ang kaniyang life partner, na siyang may-ari ng bahay na kaniyang tinitirhan sa Las Piñas.

Wala raw kasing naipundar na ari-arian si Glenda mula sa kaniyang mga kinita noon sa pag-aartista.
 
Ganito man ang naging lagay ng kaniyang buhay matapos matamasa ang kasikatang na inaasam ng ibang sumasabak sa showbiz, hindi ikinahiya ni Glenda ang mga nangyari sa kaniya.
 
“Wala kang dapat ikahiya. Ito yung nangyari eh. Nagkamali siguro ako sa buhay ko. Hindi ako naging successful. Acceptance lang para hindi ka masyadong manlumo,” ayon kay Glenda. -- FRJ, GMA News