Filtered by: Showbiz
Showbiz
Dating 'Softdrinks Beauty' na si Coca Nicolas, inaming bisyo ang sumira sa career
Alak, sigarilyo, at ipinagbabawal na gamot ang nagpadilim sa buhay ni Coca Nicolas kaya nawala ang kinang niya sa showbiz.

Isa si Coco sa tinaguriang “Softdrink Beauties” noong 1980s. Kasama niya rito sina Sarsi Emmanuel, Mirinda Manibog, at ang yumaong si Pepsi Paloma.

Isa si Coco sa tinaguriang “Softdrink Beauties” noong 1980s. Kasama niya rito sina Sarsi Emmanuel, Mirinda Manibog, at ang yumaong si Pepsi Paloma.
Ilan lamang sa mga pelikulang tampok ang sexy star ay ang 'Snake Sisters' ni Celso Ad Castillo noong 1984, kung saan nabigyan agad siya ng lead role sa edad na wala pang 16. Sa 'Naked Island' naman ay kasama nila ang batikang aktres na si Charito Solis.
Sa mabilis na pagsikat, inamin ni Coca na nalulong siya sa masasamang bisyo. Nariyan ang pag-inom ng alak, paninigarilyo, at maging pagsubok sa ipinagbabawal na gamot.
Sa panayam ni Mariz Umali sa programang 'Tunay Na Buhay,' sinabi ni Coca na bukod sa gastos sa bisyo, naging waldas din siya sa pera.
“Masarap iyong nasa showbiz ka kasi halos lahat ng gusto mo, nakukuha mo. Lalo na kung maganda ka na, sexy ka pa. Kaya lang, hindi ako natutong mag-ipon. Bigay lang nang bigay. Disco dito, disco doon,” kwento ni Coca.
Dahil sa kanyang pag-inom at paninigarilyo, namayat siya nang husto at muntik na rin siyang magkaroon ng sakit na tuberculosis.
Matapos magkaroon ng anak, hindi na nakabalik sa showbiz si Coca. Nagdesisyon siyang mag-abroad na lamang. Sa Japan siya napadpad, kasama ng isang grupo ng entertainers na umaawit at sumasayaw.
Sa ngayon, nakatira ang British-Filipina former sexy star sa Pasig. Nawala ang lahat ng ari-ariang ipinundar niya sa Pampanga nang pumutok ang bulkang Pinatubo noong 1991.
Sa ngayon, nagtitinda ng yelo at ice candy si Coca. Gipit man sa buhay, nagpapasalamat siya sa mga anak sumusuporta at nag-aalaga sa kanya.
Ang leksyon na gusto niyang ibahagi sa kabataan batay sa kanyang karanasan: “Hanggat meron, mag-ipon. Unahin ang sarili bago ang iba. Kapag may ipon, mas madaling makakatulong sa kapwa.” - Bianca Rose Dabu/JJ/FRJ, GMA News
Tags: cocanicolas
More Videos
Most Popular