Louise Delos Reyes, 'more than willing' to recognize woman claiming to be her mother
Matapos ilantad ang sarili bilang tunay na ina umano ni Louise Delos Reyes, nakaharap na ni Morena Ebrada ang aktres nitong Martes sa tulong ng GMA Network.
Unang ibinahagi ng ginang sa isang panayam kay Lhar Santiago kung papaanong ipinanganak niya ang isang batang babae noong August 2, 1992 sa isang maliit na clinic, at napilitang ipaampon ito dahil sa hirap ng buhay.
Sa pagkakataong ito, nagkaroon siya ng pagkakataong ibahagi ang kanyang kwento sa young actress na sinasabing tunay niya umanong anak.
“Noong medyo lumalaki na po siya, nahihirapan na kami kasi wala na po akong trabaho. May pumunta sa amin na tiyahin ng barkada ko. Meron daw pong naghahanap ng nagaampo, kaya binigay na po namin siya para magkaroon siya ng magandang kinabukasan,” ani Ebrada.
Ayon pa sa kwento ng ginang, ang mga umampon kay Louise ay ang mag-asawang Jun at Elvie Perido na siya ngayong kinikilala niyang mga magulang.
Kalmado namang pinakinggan ni Louise ang kwento ng Ebrada, at makikita ang kagustuhan niyang intindihin ito at makisimpatiya sa nararamdaman niya.
Gayunpaman, iniingatan rin umano ng aktres ang nararamdaman ng kanyang pamilya, lalong-lalo ng kanyang ama at ina.
Paliwanag ng aktres, "Nine months na raw po ako noong binigay niyo ako sa mga kinalakihan kong magulang. But my birthday is September 1, 1992, and as far as the people around me knows, pinanganak po ako sa bahay. Midwife po ang nagpaanak sa nanay ko, at kapitbahay po namin.”
Nagkaroon pa ng pagkakataong mag-usap nang pribado ang dalawa, at wala mang malinaw na konklusyon, hindi naman ipinagkait ni Louise ang pagpapatawad na hinihingi ni Ebrada.
Aniya, “Ang sinabi niyo po sa akin, gusto niyo lang po na humingi ng tawad at kilalanin ko kayong ina. Kung mapapatunayan man po na kayo talaga ang nanay ko, willing naman po ako. I am more than willing. Sino ba namang anak ang kayang itakwil ang kanyang ina? At kung 'yun po ang magpapaluwag sa loob ninyo, ibibigay ko po.”
“Nasasaktan rin po ako na makita ang isang taong nasasaktan nang dahil sa akin. Pero hindi ko rin po kayang makisimpatya sa inyo ng sobra dahil inaalagaan ko rin po ang nararamdaman ng pamilya ko, lalo na ng nanay ko,” pagpapatuloy pa ng young actress.
Sa huli ay nagpasalamat si Ebrada sa pagintindi ng kanya umanong anak, at nagpaabot pa ng pasalubong na stuffed toy para rito.
“Maraming salamat at napatawad mo ako. Alagaan mo na lang ang sarili mo. Kapag kailangan mo ng kahit ano, nandito lang ako,” ayon sa ginang. -- Bianca Rose Dabu/JST, GMA News