El Gamma Penumbra, pangarap na mag-guest sa show nina Oprah Winfrey at Ellen Degeneres
Mainit na sinalubong ng kanilang mga kababayan sa Tanauan, Batangas ang kauna-unahang kampeon ng Asia's Got Talent na El Gamma Penumbra.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing kasing init ng panahon ang tinanggap na pagsalubong ng mga miyembro ng El Gamma Penumbra sa kanilang pag-uwi sa Batangas mula sa Singapore.
Ang grupo ay binigyan ng pagkilala ng Sangguniang Panlungsod ng Tanauan para sa karangalang ibinigay nila sa bansa nang tanghaling unang grand winner ng "AGT."
Hindi alintana ng grupo ang puyat at pagod mula sa biyahe masuklian lang ng kaway at ngiti ang lahat ng taong nag-abang sa kanilang motorcade.
Ang mga taga-barangay Natatas at Balele, kung saan karamihan sa mga miyembro ng El Gamma ay nakatira, sobrang proud sa naakamit ng grupo.
Inihayag naman ng grupo na nakakatanggap na sila ng alok na mag-perform sa Europa.
Inimbitahan din daw sila ng "AGT" judge na si David Foster na magtanghal sa isang charity event sa Amerika sa darating na Oktubre.
Pangarap daw ng grupo na mag-guest at makapagtanghal din sa mga sikat na show nina Oprah Winfrey at Ellen Degeneres sa Amerika.
Pero sa ngayon, nais daw nilang makapagpahinga muna at makapiling ang mga mahal sa buhay.
Bukod sa El Gamma Penumbra, nakauwi na rin nitong Biyernes ang iba pang Pinoy finalists sa "AGT" na sina Gwyneth Dorado at ang dance group na Junior New System.
Samantala, nagpaiwan naman daw sa Singapore ang isa pang Pinoy finalist at third placer sa "AGT" na si Gerphil Flores.
Sa susunod na linggo ay nakatakdang mag-courtesy call daw ang El Gamma Penumbra kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malacanang. -- FRJimenez, GMA News