Filtered By: Showbiz
Showbiz

El Gamma Penumbra, balik-bansa na; sabik makita ang tinutulungang mga lola


Nakabalik na sa Pilipinas mula sa Singapore nitong Biyernes ng gabi ang mga miyembro ng kauna-unahang grand winner ng Asia's Got Talent na El Gamma Penumbra. Kabilang sa kanilang plano sa kanilang pag-uwi, ang makita ang mga matatandang kinukupkop ng home for the aged na kanilang sinusuportahan.



(Ang kauna-unahang grand winner ng Asia's Got Talent na El Gamma Penumbra, nakabalik na sa bansa mula sa Singapore. - Photo by Aubrey Carampel)


Sa ulat ni Audrey Carampel sa GMA News TV's SONA, sinabing ang grupo na tubong Tanauan, Batangas ay sinundo mismo sa paliparan ni Batangas vice governor Mark Leviste.

Ayon kay Leviste, may inihandang hero's welcome sa grupo sa kanilang pagbabalik sa kanilang bayan sa Tanauan.

Ipinaabot din ni Leviste ang pagbati ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto sa El Gamma Penumbre dahil sa karangalang ibinigay sa lalawigan at sa bansa.

Ayon sa miyembro ng grupo na si Marvin Marpa, hindi pa rin sila makapaniwala sa nakamit na tagumpay at sa init ng suportang natanggap sa mga tao.

"Hanggang ngayon po talagang para kaming nanaginip, hindi namin alam totoo ba 'to, nangyayari ba 'to?," aniya

"Yung mga kababayan natin ang init po nang pagtanggap, hindi lang sa El Gamma Penumbra kung hindi pati sa ibang kasaling Pinoy. Para kaming nasa cloud nine sa sobrang saya, kinikilabutan po kami, unexpected po lahat," dagdag niya.

Bukod sa El Gamma Penumbra, nakalusot din sa grand finals ng kompetisyon ang hiphop dance group na Junior New System, at ang mga mang-aawit na sina Gwyneth Dorado at Gerphil Flores.

Basahin: And the first grand winner of Asia's Got Talent, from the Philippines, is...

Sinabi rin ng grupo na ang bahagi ng kanilang natanggap na mahigit P4 milyon premyo ay ibibigay nila sa sinusuportahan nilang home for the aged.

Sabik na raw silang makita ang mga kinakalingang nakatatanda sa nasabing institusyon, na naging inspirasyon din daw nila sa kompetisyon.

Sa hiwalay na ulat naman ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, napag-alaman na nagsimula ang El Gamma Penumbra bilang hiphop dance group bago naging shadow play.
 
"Sobrang laki na po ng industriya ng hiphop sa Pilipinas, sobrang gagaling na po nila.  Naisip po namin, 'ano kaya't ibahin naman natin? Ano kaya kung baguhin natin ang genre natin?' Sacrfice na po na 'di kami nakikita at least mas mae-express namin yung feelings 'pag nagbubuo kami ng story sa likod ng telon," paliwanag ni Roel Amanong, isa sa mga choreographer.

Napag-alaman din na nagbibigay ng mga konsepto ang grupo at pagbobotohan kung ano ang napapanahon at kung ano ang sa tingin nila ay papatok sa manonood.

WATCH: Winning performances of Asia's Got Talent grand winner El Gamma Penumbra
 
"Pina-kachallenge po sa amin yung humanap pa po nang humanap kung paano ile-level up yung performance namin," pahayag naman ni Paolo Esteban.
 
Napag-alaman din na 19 ang orihinal na miyembro ng grupo at ang iba sa kanila ay tumigil na sa pagtatrabaho para ituon ang buong atensiyon sa napamahal na propesyon. -- FRJ, GMA News