Pinoy, co-director sa isang Disney-Pixar film na ipapalabas sa Cannes Filmfest
Bumida ang Filipino-American na si Ronaldo del Carmen sa Hollywood matapos siyang maging co-director sa upcoming Disney Pixar animated fantasy-comedy film na 'Inside Out' mula sa Pixar Animation Studios at Walt Disney Pictures.
Ayon sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Lunes, ipalalabas sa prestihiyosong Cannes Film Festival ang naturang animated film na tungkol sa naglalabo-labong emosyon ng isang batang babae.
Kabilang sa mga bibida rito sina Amy Poehler, Phyllis Smith, Bill Hader, Lewis Black, Mindy Kaling, Kaitlyn Dias, Diane Lane, Kyle MacLachlan at John Ratzenberger.
Kwento ni Ronnie sa isang panayam kay Janet Nepales, inimbitahan siya ng direktor na si Pete Docter na maging co-director matapos silang magsama at maging magkatrabaho sa sikat na animated film na 'Up.'
Limang taon umano ang iginugol ng Fil-Am director at ng creative team sa pelikula, at naimpluwensiyahan raw ang pagbuo niya ng istorya ng kaniyang kabataan sa Cavite.
“He just asked me, 'I would like you to co-direct with me.' That's pretty big because I don't really know how people get that job. That was the first time I actually understood that the director gets to choose,” pagbabahagi pa ni Del Carmen. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News