'Your Love' singer Gary Ignacio of Alamid passes away at 49
Pumanaw na nitong Biyernes ang lalaki sa likod ng awiting "Your Love" ng bandang Alamid na si Gary Ignacio dahil sa komplikasyon sa kaniyang karamdaman, ayon sa Facebook post ng GMA show na Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Biyernes.
May hiwalay na post din ang bandang Alamid sa kanilang FB page na nagsasaad tungkol sa pagpanaw ni Gary sa National Kidney Transplant Institute nitong Biyernes ng hapon dahil sa multiple organ failure.
Sa post ng KMJS, nagpahayag ng kalungkutan ng mga nasa likod ng naturang programa na nagtanghal din sa buhay ni Gary nitong nakaraang Pebrero lang.
"Kinalulungkot po naming ibalita sa inyo na pumanaw na ang Alamid vocalist na si Gary Ignacio sa edad na 49, kaninang 2:50 PM sa National Kidney Transplant Institute dahil sa kumplikasyon sa cancer sa kidney," saad sa KMJS post.
Idinagdag din na, "Ang kaniyang labi ay ilalagak sa Sto. Rosario Chapel sa Brgy. Baritan Malabon. Naiwan niya ang kaniyang asawa na si Maria Buena at mga anak na sina Sean Gabien at Ashley. Ilan sa mga awiting pinasikat ni Ignacio at ng kaniyang banda ay "Your Love" at "China Eyes."
Kasabay ng pakikiramay sa mga naulila ni Gary, pinasalamatan ng KMJS ang mang-aawit sa kaniyang naging kontribusyon sa Original Pilipino Music.
Ikinalulungkot po naming ibalita sa inyo na pumanaw na ang Alamid vocalist na si Gary Ignacio sa edad na 49, kaninang...
Posted by Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) on Friday, April 17, 2015
Nitong nakaraang Pebrero, itinampok sa KMJS ang kuwento ng buhay ni Gary bilang isang musikero. (Basahin: Your Love: ang kuwento ng pagmamahal ni Gary Ignacio)
Sinabing Agosto 2014 nang mapansin umano ni Gary ang panghihina nang katawan matapos ang tour sa United States ng kaniyang bandang Alamid.
Nang magpatingin sa duktor, doon na natuklasan na mayroon siyang malubhang karamdaman.
Bago makilala bilang bokalista ng Alamid na sumikat noong 1990s, unang binuo ni Gary kasama ang kaibigang si Dexter Facelo ang Athena’s Curse, na awiting punk ang tinutugtog.
Nang pumirma sila ng recording deal, nagpalit sila ng pangalan ang grupo bilang Alamid.
Ilan pa sa mga inawit ng Alamid ay ang "China Eyes," "Batibot", "May Pag-asa," "Just Wasn't Brave Enough," "Still Believe in Love," at "Sama-Sama." -- FRJ, GMA News