Filtered By: Showbiz
Showbiz

LOOK: Dingdong and Marian calls coming baby their ‘greatest gift’


Higit sa tatlong buwan matapos ang kanilang kasal noong nakaraang taon, masayang inanunsyo ng mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes ang pagdadalang-tao ng Kapuso Primetime Queen sa pamamagitan ng isang panayam kay Jessica Soho sa 24 Oras nitong Lunes. 
 
"Gusto lang naming sabihin na nagbunga ang aming pagmamahalan, at nabiyayaan kami ng Panginoon ng isa sa pinakamagandang regalo na pupuwedeng ibigay—and that's the gift of life," ayon kay Dingdong.
 
Ilang sandali lamang matapos i-ere ang naturang panayam, nagkaroon ng pagkakataon ang Kapuso Primetime King and Queen na ilahad ang kanilang saloobin hinggil sa pagbubuntis ni Marian magpasalamat sa kanilang fans sa social media.
 
Sabi ng 'The Rich Man's Daughter' star, isa raw sa pinakaaasam niyang biyaya ang maging ina, kaya naman hindi na siya makapaghintay na makita at mayakap ang kanilang unang anak.
 
"Hindi na ako makapaghintay na makita at mayakap ang aming munting anghel. Salamat Panginoon sa pinakamalaking biyayang ito. Walang kapantay na ligaya, at walang hanggang pasasalamat. At sa lahat ng mga taong nag mamahal at nag dadasal para sa biyayang ito maraming salamat!" aniya sa isang Instagram post nitong Lunes.
 
 
Nagpasalamat rin si Dingdong sa Panginoon at sa lahat ng nagdarasal para sa kanilang mag-asawa at sa kanilang magiging anak.
 
Dagdag pa niya, isa sa mga naging daan sa pagtupad ng pangarap nilang maging mga magulang ang masidhing pananampalataya at paniniwala sa Diyos.
 
"We are extremely grateful because the greatest gift called life has already been bestowed upon us by God. In behalf of my wife, and our coming baby, we thank all those who prayed for, and with us. Faith really has its way of fulfilling lifelong dreams," ayon sa 'Pari 'Koy' star, na sinamahan pa ng #ParentsInTheMaking ang kanyang Instagram post nitong Lunes.
 
 
Inamin ni Marian na hindi naging madali sa kanya ang unang bahagi ng kanyang pagbubuntis dahil na rin sa madalas na pagkahilo at pagsusuka. Gayunpaman, kayang-kaya niya raw harapin ang lahat ng sakripisyong ito para sa kanilang baby. 
 
"Sabi ko, OK lang, kaya kong tiisin lahat ng sakripisyong iyan, kung ang kapalit naman ay isang napaka magandang biyaya sa Panginoon," ayon kay Marian
 
Kabilang sa mga pinaglilihian ngayong ng Primetime Queen ang mga puting candy tulad ng White Rabbit at Haw Haw, pati na ang asawang si Dingdong na madalas umano niyang kurutin at kagatin. — RSJ, GMA News