Filtered By: Showbiz
Showbiz

CONFIRMED: Marian Rivera is pregnant with first child


Matapos maging usap-usapan ang kanyang pagbubuntis ngayong linggo dahil na rin sa mga pahiwatig ng ilang showbiz reporters, kinumpirma nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang pagdadalantao ng 30-year-old actress.

Ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen and King ang masayang balita ngayong Lunes ng gabi sa panayam kay Jessica Soho sa "24 Oras."

"Gusto lang naming sabihin na nagbunga ang aming pagmamahalan," sabi ni Dingdong.




"At nabiyayaan kami ng Panginoon ng isa sa pinakamagandang regalo na pupuwedeng ibigay—and that's the gift of life."

Inamin ni Marian na sobrang naging emosyonal siya nang makumpirmang buntis, dahil isa talaga sa kaniyang mga pangarap ang maging ina.

Wala namang pinipili ang mag-asawa kung gusto ba nila ng lalaki o babae ang kanilang unang supling.

"OK na kahit ano pong ibigay sa amin," ani Dingdong.

Nanawagan naman ang aktor para sa privacy sa kanilang pinagdadaanan.

"There are details that we choose to keep private," sabi ni Dingdong, na nagpasalamat sa pang-unawa ng mga fans.

Paglilihi ni Marian

Idinetalye ng Kapuso Primetime Queen ang kaniyang karanasan sa unang bahagi ng kaniyang pagbubuntis.

"Every morning nagsusuka talaga ako," ang kuwento ni Marian, na kasama ang asawang si Dingdong Dantes sa panayam.

Madalas din daw siyang nahihilo, kahit maikli lamang ang biyahe.

"Sabi ko, OK lang, kaya kong tiisin lahat ng sakripisyong iyan, kung ang kapalit naman ay isang napaka magandang biyaya sa Panginoon," ayon kay Marian

Naglilihi na ba si Marian?

"Hindi ko alam kung yun na po ang tawag dun," sagot niya, bago umamin na may mga bagay na kaniyang kinatatakaman.

Ano naman ang pinaglilihian?

"Nung isang araw pa, ang hinanap ko, White Rabbit... yung candy na kinakain yung balat," ani Marian.

"Tapos nung isang araw, Haw Haw, yung candy pa rin, kulay puti pa rin. Puro puti yung hinahanap ko, hindi ko alam kung bakit!"

Tila naging sensitibo din ang kaniyang pang-amoy sa kaniyang pagbubuntis.

"Tapos ayoko lang ng pabango na sobrang tapang, medyo naliliyo po ako," aniya.

Dagdag ni Dingdong, "Opo, nakukurot ako kapag may naaamoy na hindi maganda!"
 
 

 


Usap-usapan

Matatandaang nagsimula ang usap-usapan hinggil sa pagbubuntis ni Marian dahil sa naging pahayag ng "Startalk" hosts na sina Lolit Solis at Joey de Leon nitong nakaraang Sabado sa nasabing programa.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na matapos ang kanilang kasal noong Disyembre ng nakaraang taon, madalas ipinahihiwatig ng mag-asawa ang kanilang kagustuhang magkaanak sa tamang panahon at pagkakataon.

“Siyempre, nakukuha 'yan sa dasal at tamang panahon na ibibigay sa 'yo ng Panginoon. Siyempre, 'di ba, kahit gustuhin mo, pero 'di pa Niya call at hindi pa rin time, wala talaga. Pero siyempre, gusto namin sana this year,” ayon sa "The Rich Man's Daughter" star sa naunang pahayag.

Handa nang magka-baby

Matagal na rin umano nilang ipinagdadasal ang pagkakaroon ng baby ngayong taon, at napatunayan naman ni Marian na handa na siyang mag-alaga ng supling, dahil bukod sa seryosong cooking training na kinabibilangan niya ngayon, magiliw rin ang aktres sa mga batang beneficiaries ng mga NGO at charities na tinutulungan niya.

Gayunpaman, nitong nakaraang linggo lamang, sinabi ni Marian na bagamat malaking blessing ang magkaroon sila ng baby ni Dingdong, maaaring maantala ang kaniyang pagbubuntis at pagkakaroon ng first baby ngayong taon.

Ito ay kasunod ng busy schedule nila ng asawa dahil sa mga teleseryeng kinabibilangan nila. Kasalukuyang bumibida si Dingdong sa Primetime soap na "Pari 'Koy," habang patuloy naman ang taping para sa pagbibidahang teleserye ni Marian na "The Rich Man's Daughter."

"May proseso siguro. Ngayon, nagso-soap ako. Ngayon, kung ibibigay ng Panginoon, wow, thank you isang malaking biyaya 'yan.Step by step. Kung biyayaan [ng baby] na may soap, why not? Eh napaka-konsiderasyon naman ng GMA kung paano nila alagaan ang isang artista nila so hindi ako nag-aalala doon," paliwanag ng aktres.

Sa ngayon, masayang-masaya si Dingdong at Marian sa biyayang ipinagkaloob sa kanila sa katauhan ng kanilang first baby. -- Bianca Rose Dabu/JST, GMA News