Filtered By: Showbiz
Showbiz

Teen stars ng 'InstaDad,' binansagang 'Kapuso It Girls'


Binansagan ng showbiz press na Kapuso "It Girls" ang tatlong teen stars na bibida sa GMA Sunday program na 'InstaDad' na sina Gabbi Garcia, Ashley Ortega at Jazz Ocampo. Sino naman kaya sa mga Kapuso leading man ang nais nilang makatrabaho?

Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing triplet na may magkaka-ibang personality ang role nina Gabbi, Ashley at Jazz sa "InstaDad."

"Thank you po sa pagiging...sa pagtawag n'yo sa amin ng 'it girls.' Hindi ko po in-expect 'yon pero I'm overwhelmed," ayon kay Ashley.

Pahayag naman ni Gabbi, "I'm overwhelmed. I mean, because yung ganung title not everyone gets the pleasure na matawag po na ganu'n."

Nais naman ni Jazz na hindi lang sana sa kakikayan nila sila gayahin ng mga bata kung hindi maging sa kanilang values.



Kasama ng tatlong teen stars sa InstaDad sina Gabby Eigenmann, Matet de Leon, Juancho Trivino at Prince Villanueva.

Nang ilarawan ng tatlo sa kanilang karakter sa programa, sinabi ni Jazz na siya ang kikay, fashionista at brat sa kanilang magkakapatid.

"Ako po yung boyish dito, medyo tomboy, but still a girl naman. And ako po yung nagtatanggol sa sister ko, adventurous and athletic," ayon kay Gabbi.

Dagdag naman ni Ashley, siya ang mayumi, mahinhin at matalino sa tatlo.

Nang tanungin kung sino ang nais nilang maging leading man sa isang proyekto, iisa ang kanilang napili -- si Dingdong Dantes. -- FRJ, GMA News

Tags: instadad