Filtered By: Showbiz
Showbiz

Annie Brazil sa nakakulong na anak na si Ronnel Wolfe: 'Hindi namin siya pinabayaan'


Nagbigay ng pahayag ang Philippine Jazz Queen na si Annie Brazil tungkol sa sinapit ng anak na dating singer at 'That's Entertainment' alumnus na si Ronnel Wolfe, na dalawang taon nang nakakulong dahil sa kaso ng iligal na droga.

WATCH: Dating heartthrob ng 'That's Entertainment', 2 taon nang nakakulong

Sa panayam kay Ronnel ng Startalk noong nakaraang linggo, naglabas siya ng saloobin tungkol sa kaniyang pamilya na hindi na umano dumadalaw sa kaniya.

Tingin ni Ronnel, na miyembro noon ng sikat na trio na 'Quamo' na umawit  ng kantang "Sumpa Ko," na Pinoy version ng "I Swear," maaaring ang kawalan ng atensiyon sa kaniya ng pamilya ay bunga ng kabiguan niya sa buhay.



"Maybe to their eyes, sa mga mata nila, sa palagay nila I'm a failure," sambit nito.

Ngunit sa kabila ng pagkabigo sa buhay, sinabi ni Ronnel na masaya siya dahil kahit papaano ay natagpuan niya ang kaniyang hinahanap na katahimikan.

Kapatid ni Ronnel ang singer-businessman na si Richard Merk at dating beauty queen na si Rachel Anne Wolfe-Spitaletta, na naging singer-actress din noon.

Dalamhati ng ina

Sa episode ng Startalk nitong Sabado, Pebrero 21, inihayag ni Annie na hindi nila pinabayaan si Ronnel.

Batid daw nila ang sinapit nito at nadalaw din niya ang anak noong huli siyang umuwi ng Pilipinas.

Nakabase na ngayon sa Amerika sina Annie at Rachel, at tanging si Richard na lang ang nasa Pilipinas.

"Hindi ako agree sa mga sinasabi niya pero yun ang feel niya, opinyon niya 'yon sa sarili niya. Pero hindi namin siya pinabayaan," pahayag ni Anniel. "All these years nandiyan kami sa kaniya."

Dagdag niya, "Hindi naman kami ang gumawa nun e, puro kami advice...pero ano magagawa namin kung doon niya gustong pumunta sa hindi diretso."

Nalulungkot daw siya sa nangyari sa kaniyang anak at walang araw na hindi niya ito naiisip.

Nang hingan siya ng mensahe para sa anak, malumanay inihayag ni Annie na, "Ronnel alam mo na mahal na mahal kita. Walang araw na hindi kita naiisip, napag-uusapan ni Ate Rachel mo, kaya hindi ko alam kung bakit ganun ang feeling mo."

Nakiusap din siya sa anak na magbago ng buhay paglabas nito sa piitan para sa kaniyang pamilya at mga anak.

"Sana sa paglabas mo, pag-uwi mo sa bahay, iba nang Ronnel-- na isang mabuting ama, isang mabuting asawa. At saka alisin mo na lahat sa puso mo kung anong galit mo sa amin dahil hindi ko maintindihan," ayon sa dating mang-aawit.

Sinabi pa ni Annie na hindi niya kailanman ikinumpara sa iba si Ronnel.

"Hindi kita kino-compare kanino man pero may sarili kang buhay, may sarili kang pag-iisip, so please Ronnel, alang-alang sa mga anak mo, 'wag na sa akin, para sa mga anak mo. Mahal na mahal kita Ronnel," anang nagdadalamhating ina. -- FRJ, GMA News