Ilang celebrities, sumusunod sa mga tradisyon tuwing Chinese New Year
Kasabay ng selebrasyon ng Chinese New Year, ilan sa mga Pilipino ang nagpapahayag ng kani-kanilang nakagawiang tradisyon, mapa-Tsinoy man o purong Pilipino. Kabilang na rito ang tungkol sa lucky charms, lucky colors, at marami pang iba.
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Balitanghali nitong Huwebes, isa ang host at athlete na si Chris Tiu, na mula sa Chinese family, sa mga celebrity na mayroong sinusundang tradisyon tuwing papasok ang bagong taon.
“We usually have a Chinese New Year's Eve dinner with my family. We go out sometimes, minsan in somebody's house. We'd all wear red para festive ang mood, and then we'd eat noddles for long life, tikoy para maganda 'yung kapit ng family, pati pera para kumapit na rin. 'Yung gma hindi pa kasal, nakakatanggap ng ampao sa grandparents,” kuwento ni Chris.
Mayroon ding celebrities na naniniwala at ginawa ng bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang lucky charms, o mga bagay na pampaswerte.
Para raw sa Kapuso actress na si Thea Tolentino, lucky color niya ang blue. Aniya, “Nagkakataon na suot ko blue kapag may magandang nangyayari.”
Impluwensiya naman ng ina ng "Kailan Ba Tama Ang Mali?" star na si Max Collins ang kaniyang pagkahilig sa charm bracelets at gemstones.
“Mom ko kasi mahilig sa bracelets, gemstones. Inaalam niya talaga 'yung traits ng gemstones,” kuwento ng Kapuso star.
Gayunpaman, naniniwala rin si Max na ang dasal pa rin ang pinakamabisang sandata laban sa kamalasan at para makamit ang hinahangan.
“Now what I do is I just pray na lang. Kapag may gusto ako, pinagdarasal ko talaga siya,” pagpapatuloy ni Max.
Ganito rin si Mark Herras, “Before doing anything, dasal muna. 'Yon ang importante talaga. 'Yon ang pinaka-lucky charm talaga.”
Naniniwala rin si Alden Richards na kayang abutin ang anumang pangarap basta pagsamahin lamang ang sipag, tiyaga, at dasal. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News