Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pagsasama ng mag-asawang celebrity docs, dumadaan sa pagsubok


Nalalagay daw sa alanganin ang 25 taong pagsasama bilang mag-asawa ng celebrity doctors na sina Dr. Manny at Dra. Pie Calayan. Mula sa Amerika, bumalik sa bansa ang duktora para isalba raw ang kanilang pagsasama.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" report sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naging emosyunal kaagad si Dra. Pie nang tanungin sa dahilan ng kaniyang pagbabalik sa Pilipinas.

Ayon sa duktora, nais niyang i-save ang pagsasama nila ni Dr. Manny dahil sa nakarating sa kaniyang impormasyon na lagi itong nasa mga bar sa gabi at may kasamang babae na halos kaedad lang ng kanilang anak.

"Ok lang yun sa akin [sa pagba-bar], pwede pa, kaya lang siyempre kung may naririnig ako na may kasama, someone who's half our age, halos ka-edad na ng panganay ko, medyo nakakaduda. So I really decided to go here to find out myself," paliwanag ng duktora.



Sa loob daw ng maraming taon nila bilang mag-asawa, naging maganda raw ang kanilang pagsasama. Pero nagbago raw ito nang pumunta sa Amerika si Dra. Pie nang magtayo sila doon ng kanilang beauty clinic.

Idinagdag din ng duktora ang tungkol sa isyu na wala na raw ang naipon nilang pera noon.

"Hindi niya alam kung papano nawala, paano nabuos, 'yon ang hindi ko kayang tanggapin. Kasi sinong asawa ang magsasabi na hindi ko alam kung paano naubos eh 'siya yung may hawak ng pera," patungkol ni Dra Pie sa kaniyang mister.

Samantala, sinabi ni Dr Manny na masaya siya sa pag-uwi ng kaniyang asawa pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag tungkol sa mga isyung ibinabato sa kaniya.

"Ayokong mag-comment muna diyan. Hindi ko alam kung ano yung mga tsismis na ganyan. Kasi alam mo naman ang mga tao, 'pag ok ang relationship n'yo, talagang sisirain at sisirain kayo," paliwanag niya.

Si Dra. Pie, ipinagdarasal na sana daw ay hindi totoo ang mga nakakarating sa kaniyang mga balita

"Hindi ko alam kung kakayanin ko kasi kinaya ko yung five years na akong mag-isa sa states with the kids knowing that yung trust ko sa kanya. Pero kung binetray yung trust ko, mahirap talaga," pahayag nito.

Ayon naman kay Dr. Manny, "Alam ko sa sarili ko na mahal na mahal ko si doktora and I've been faithful to her for 25 years." -- FRJ, GMA News