Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ervic Vijandre, isa nang ganap na Kapuso




(Photo by Jessica Bartolome, GMA News)

Matapos ang apat na taong pagiging bahagi ng mga programa ng Kapuso Network, pumirma na ng kontrata sa GMA Artist Center nitong Huwebes ang aktor at dating basketball player na si Ervic Vijandre.
 
Ayon kay Ervic, nagdesisyon siyang maging bahagi ng Artist Center upang lalo pang mapabuti ang kaniyang talento. Bukod pa rito, noon pa man daw ay loyal Kapuso na talaga siya kaya naman ginawa niya na itong opisyal.
 
“Kapuso naman talaga ako, so bakit pa ako pupunta sa iba? Dito na ako sa the best,” anang aktor.
 
Unang napanood si Ervic sa reality show na 'Survivor Philippines: Celebrity Showdown' noong 2010.
 
Naging bahagi rin siya ng mga teleserye gaya ng 'Captain Barbell' noong 2011, 'The Good Daughter,' 'Aso ni San Roque' noong sumunod na taon, 'Genesis' noong 2013, at 'Rhodora X' at 'My Destiny' noong nakaraang taon.
 
Ngayong 2015, makakasama si Ervic ng drama series na 'Kailan Ba Tama ang Mali?' na mapapanood simula sa Pebrero 9. Bibida rin dito sina Max Collins, Dion Ignacio, at Geoff Eigenmann.
 
Bukod rito, handa rin umano siya sa ano mang project na ibibigay sa kaniya ng artist center, lalo na ngayon na naka-focus siya sa kaniyang trabaho.
 
Isasantabi raw muna ni Ervic ang love life maging ang planong sumabak sa politika.
Sasailalim si Ervic sa acting workshops ngayong taon bilang bahagi ng kanyang artist training.
 
Matatandaang naghiwalay noong nakaraang taon si Ervic at ang beauty queen at Miss Universe 2013 runner-up na si Ariella Arida.
 
Ayon sa Kapuso actor, “Sa ngayon hindi ko pa alam (ang maaaring mangyari). Focus muna ako sa acting career ko.” 
 
Samantala, kabilang sa mga Kapuso actress na gusto niyang makatrabaho ay sina Heart Evangelista at Lovi Poe. -- BRose Dabu/FRJ, GMA News