Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jamie Rivera at kasamang mga bata sa pag-awit ng 'We Are All God's Children,' pinalapit ni Pope Francis


Nakangiti si Pope Francis habang pinakikinggan ang pag-awit sa official hymn sa kaniyang pagbisita sa bansa, ang "We Are All God's Children." Inawit ito ni Jamie Rivera sa pagtatapos ng "encounter with the families" na ginanap sa MOA Arena nitong Biyernes ng hapon.


Kasama ni Jaime ang ilang bata habang inaawit niya ang "We Are All God's Children" sa harap ni Pope Francis. Katabi ng Santo Papa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na makikita sa video na tila isinasalin ang liriko ng awitin sa salita na kaniyang mauunawaan.



Pagkatapos ng pag-awit, pinalapit ni Pope Francis sa kaniya si Jaime at ang mga bata.

Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Jaime na kabilang sa mga batang kasama niya ay may kapansanan at down syndrome.

"Umakyat ako tapos nag-bless ako [ako sa Pope], pagkatapos pinag-bless ko yung mga bata," kuwento niya.

"Masayang-masaya ako dahil siyempre finally eto na nakakanta na 'ko sa Santo Papa. Naibahagi ko na 'yong mensahe ng kanta. Happy ako, very happy and grateful," dagdag niya.

Sinabi pa ni Jaime na kasama niya si Noel Espenida sa paggawa ng nabanggit na awitin. -- FRJ, GMA News