Onemig Bondoc, inilahad ang umano'y dahilan ng pakikipaghiwalay niya sa asawa
Kasunod ng paghahain niya ng petisyon sa korte para makuha ang solong kostudiya ng dalawa niyang anak, inilahad ng dating matinee idol na si Onemig Bondoc ang umano'y dahilan ng paghihiwalay nila ng kaniyang estranged wife na si Valerie Bariou.
Sa episode ng Startalk nitong Sabado, sinabing nagtungo si Onemig sa Quezon City court upang hilingin sa korte na makuha niya ang solong pangangalaga sa dalawa nilang anak ni Valerie, na edad pito at isa.
Ayon sa dating aktor, naniniwala siya na walang kakayahan si Valerie na buhayin ang dalawa nilang anak, na sa ngayon ay nasa poder ni Onemig.
"I'm doing this for my kids because sobrang mahal ko yung mga anak ko, na feeling ko hindi siya capable of taking care of her kids," pahayag ni Onemig.
Sinabi ng dating aktor na kinausap din niya ang panganay nilang anak tungkol sa usapin at nagpahayag daw ito ng pagnanais na manatili silang magkapatid sa kaniyang pangangalaga.
Taong 2007 nang magkakilala sina Onemig at si Valerie na isang model at part-time actress. Makalipas ng dalawang taon, nagpakasal ang dalawa.
Noong 2012, pinag-usapan si Valerie matapos siyang maging stunt double ng Hollywood actress na si Rachel Weisz para sa pelikulang 'The Bourne Legacy' na kinunan ang malaking bahagi sa Pilipinas.
WATCH: Valerie Bariou, ka -double ni Rachel Weisz sa 'The Bourne Legacy'
Samantala, Setyembre 2014 nang kumpirmahin ni Onemig sa showbiz press na hiwalay na sila ni Valerie.
Napabalita naman na inamin ni Valerie noong May 2014 na humaharap sa pagsubok ang pagsasama nila ng kaniyang mister.
Basahin: Onemig at Valerie, nagkakalabuan?
Pero sa panayam ng Startalk , sinabi Onemig na Oktubre 2013 ay hindi na talaga sila nagsasama ni Valerie.
"We can't meet halfway," ani Onemig. " Gusto niya siya lang puwedeng magkamali pero yung mga tao sa paligid niya, dapat hindi magkamali. 'Yon yung rason kung bakit hindi ko na kinaya at nakapaghiwalay na ako sa asawa ko," anang dating aktor.
Dagdag pa niya, pinaalis siya ni Valerie sa kanilang condo na siya ang nagbabayad.
"Siya nagpalayas sa akin. Tapos hinihintay ko siyang magpakumbaba pero nag-file siya ng annulment," patuloy nito.
Ayon naman kay Atty Cornelio Samaniego III, abogado ni Onemig, kasama sa kanilang petisyon na inihain sa korte ang magpalabas ng protection order para hindi makalapit sa mga bata si Valerie upang hindi raw maimpluwensiyahan ng ina ang mga anak.
Sa naturang ulat, sinabi ng Statalk na sinubukan nilang makuha ang panig ni Valerie pero wala pa itong inilalabas na pahayag tungkol sa inihaing petisyon ng estranged husband. -- FRJ, GMA News