Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera: Hindi dapat sukatan ng talino ang husay sa pag-i-English 


Aminado ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera-Dantes na hindi siya mahusay mag-English. Pero ang hindi raw dapat gawing basehan ang husay sa pag-i-Ingles para ikonsiderang matalino ang isang tao.
 
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" bago ang enggrandeng kasal nila ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes, binalikan ni Marian ang De La Salle University-Dasmariñas, kung saan siya nagtapos ng kursong B.S. Psychology.
 
"Para maka-graduate ka ng psych sa isang magandang eskwelahan, walang bobong tao na nakaka-graduate ng psych," pahayag ng aktres nang mapag-usapan ang tungkol sa mga puna tungkol sa kaniyang hindi mahusay o fluent na pag-i-Ingles, na bagay na hindi naman niya itinanggi.
 
"Alam kong mahirap dahil nami-misinterpret, but ako, aaminin ko hindi ako kagalingang mag-English," pagtatapat ni Marian.
 
Gayunman, hindi raw ito ang basehan niya para sabihing hindi siya matalinong tao.
 
Para kay Marian, may ibang basehan upang maging matalino ang tao tulad ng pagiging madiskarte sa buhay at mapagmahal sa kapwa.
 
"Kapag hindi ka magaling mag-Ingles pero maprinsipyo ka sa buhay mo, kapag mahal kang anak, mabait kang kaibigan, ibig sabihin pa nu'n bobo ka?," tanong niya sa bahagi ng panayam.
 
"Parang ang sakit lang isipin at sana maging malawak ang pag-iisip ng tao tungkol sa definition ng isang pagiging matalinong tao.  Kasi para sa akin, ang matalinong tao e marunong dumiskarte sa buhay," dagdag ni Marian.
 
Para sa Kapuso star, higit na mahalaga pa rin sa isang tao ang pagiging mapagmahal sa pamilya at kapwa.
 
"Aanhin ko ang kagalingan sa pag-i-Ingles kung hindi naman ako marunong dumeskarte at hindi ako mapagmahal sa mga magulang ko, o nakakalimutan ko ang mga kaibigan ko. Kung ang definition ng pagiging matalino ay mag-English lang, 'wag na lang akong maging matalino," ayon pa kay Marian.
 
Sa kaniyang pagbisita sa eskwelahan, napuntahan ni Marian ang mga estudyante na kumukuha rin ng kurso na kaniyang tinapos.
 
Payo niya sa mga estudyante, "At the end of the day ang importante pa rin sa estudyante nakapagtapos sila ng pag-aaral. Kasi hindi ka makakatagal na makaka-graduate ka in four years kung hindi mo gusto ginagawa mo. Mahirap mag-aral kung hindi mo gusto course mo." — Fidel Jimenez/JST, GMA News