Filtered By: Showbiz
Showbiz

Paolo Bediones sa kaniyang video scandal: 'I've learned a very painful lesson'


Hindi man naging madali, balik-normal na sa kaniyang pamumuhay ang broadcast journalist na si Paolo Bediones matapos kumalat sa internet ang kaniyang private video. Gayunman, desidido pa rin siyang mapanagot ang nagpakalat ng kaniyang video upang hindi na gayahin ng iba.

Sa episode ng Startalk nitong Sabado, sinabi ni Paolo na hindi niya magagawa na makabawi sa iskandalo kung wala ang suporta ng mga taong nakapaligid sa kaniya, at sa iba pang nakaunawa sa kaniyang sitwasyon at hindi siya kaagad hinusgahan.

Aminado naman siya sa kaniyang pagkakamali at pagiging pabaya na nagbigay ng kalungkutan sa mga mahal niya sa buhay tulad ng kaniyang pamilya.

"Let's just say I've learned a very painful lesson. And if I did not learn that lesson, I deserve na mangyari ulit sa akin 'yon," ayon kay Paolo, na bukod sa kaniyang trabaho bilang broadcast journalist ay abala rin sa pinasok niyang negosyo na restaurant.



Katatapos din lang daw niyang magsanay sa Philippine Air Force.

Kasabay nito, sinabi ni Paolo na desidido siya na ituloy ang kaniyang kaso at maparusahan ang nagpakalat ng kaniyang video.

Naniniwala ang broadcast journalist na isang paraan para matigil ang krimen na nagpakalat ng private video at maging ng larawan ng ibang tao ay kung may makakasuhan at mapaparusahan.

"Alam mo hindi titigil 'yan until we make an example," ani Paolo. -- FRJ, GMA News