Filtered By: Showbiz
Showbiz

Leni Santos on her showbiz comeback after 12 years: 'Nakakapanibago'



(PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com)
 

Balik-Pilipinas at balik-showbiz ang aktres na si Leni Santos matapos ang 12 taong paninirahan sa Amerika kasama ang kaniyang mga anak.
 
Muli ring mapapanood ang tambalan nila ni Rey PJ Abellana sa upcoming teleserye na GMA Network na "More Than Words," na pagbibidahan ng real-life sweetheart na sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez.
 
Imbes na kabahan sa muling pagbabalik sa showbiz, excited daw si Leni na muling humarap sa camera. Gayunman, kinailangan daw niyang paghandaan ang mga pagsubok na kaakibat ng pagbabalik niya sa showbiz.
 
Aniya, '[Sabi ko kay PJ] 'Rey, tingin mo ba kaya ko pa? Kinakalawang na yata ako.' Kasi after 12 years, eto na naman ako, memorization. Nakakapanibago. Twelve years akong 'di nagbabasa ng script, hindi ako nagme-memorize, hindi humaharap sa camera. Ibang mundo na yung ginagalawan ko.”
 
Sa kabila ng mga agam-agam, masaya raw si Leni sa pagbabalik sa showbiz at sa pagkakasama niya sa teleserye. Natutuwa raw siyang makasama muli si PJ, na naging ka-loveteam niya noong 80s.
 
Dagdag pa ng aktres, malaki raw ang magiging papel nila sa kanilang comeback TV series. Ang kuwento ng nasabing teleserye ay iikot sa kanilang dalawa, pati na kay Elmo, Janine at sa batikang aktres na si Jaclyn Jose.
 
Iniwan ni Leni ang trabahong medical technologist sa Amerika upang magbalik-showbiz. Nanatili naman sa US ang kaniyang dalawang anak dahil pareho pa silang nag-aaral.
 
Ayon kay Leni, proud na proud siya sa kaniyang mga anak at pinag-iisipan rin daw ng mga ito ang pag-aartista. 
 
Handa namang manatili si Leni sa Pilipinas sakaling magkaroon pa ng mga susunod na project.
 
“Kung tuloy-tuloy yung projects, kung magustuhan yung pagbabalik [ng loveteam], yung pagbabalik ko, why not?,” pahayag nito.
 
Ipalalabas ang 'More Than Words' sa darating na Nobyembre. -- BRDabu/FRJ, GMA News