Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ryan Eigenmann shares ghost stories beyond 'Misteryo'


Bago pa man mag-host ng horror reality series na 'Misteryo' noong 2009, marami nang kakaibang pangyayari ang naranasan ng character actor at television host na si Ryan Eigenmann na may kinalaman sa mga kaluluwa at hindi maipaliwanag na mga elemento.
 
Sa isang episode ng "Tunay na Buhay" hosted by Rhea Santos,  ibinahagi ng aktor na noong bata pa siya ay tila nagkaroon sila ng koneksyon ng kanyang na-comatose na lola na malapit nang pumanaw. 
 
Kuwento ni Ryan, hindi na kayang makipag-usap ng kaniyang lola sa mga huling sandali nito. Isang oras bago raw binawian ng buhay ang kaniyang lola, bigla umanong nilagnat si Ryan.
 

 
Aniya, “Parang lumipat sandali yung sickness sa akin, and at that moment, my grandma was able to pull her hand up, and nag-communicate pa sila ng kaunti. When she passed, my fever went away.”
 
Paliwanag ni Chito Mercader, isang paranormal consultant, “Nag-connect sa kanya yung lola niya. Dito makararamdam ka ng increasing energy so para kang nilalagnat. Ang nangyari, parang hinug [hug] lang siya ng lola niya. At the same time, yung lola niya nakakuha ng energy sa kanya kaya nakagalaw ng kaunti.”
 
Bukod pa rito, nagkaroon din ng ilang karanasan si Ryan sa tatlong taon nitong pagiging host ng "Misteryo." Kabilang sa mga hindi umano niya makalilimutan ay ang naganap nang pasukin niya at ng ilang kasamang paranormal experts ang Manila City Hall.
 
Ayon sa aktor, nakaramdam siya ng kakaibang presensiya habang naglalakad sa nasabing lugar. Kaya naglakas-loob siyang tanungin sa mga kasamang eksperto kung ano ang kanilang nakita. Ayon sa mga ito, mayroon umanong babaeng yumakap sa likod ni Ryan.
 
“[It was a] Spanish-looking lady wearing old period clothes. [Apparently, she] asked me for help because she didn't know why she was still there. I think she knew she was dead, pero 'di niya alam bakit 'di siya maka-move on. And she felt an attachment with me because I look Spanish,” kuwento ng aktor.
 
Sa kabila ng mga karanasan sa mga hindi maipaliwanag na elemento, aminado si Ryan na nakakaramdam pa rin siya ng takot, ngunit madalas nangingibabaw ang kagustuhang makapag-explore.
 
Bukod sa mga lugar na pinupuntahan ng 'Misteryo' team, minsan ding nagto-tour mag-isa si Ryan sa mga lugar na itinuturing na haunted, o mga lugar na nananahan ang mga kaluluwa katulad ng Baguio Convention Center. 
 
Kapansin-pansin naman na sa dami ng nakakasalamuhang kaluluwa at hindi maipaliwanag ng mga elemento ni Ryan, hindi siya kailanman sinaktan ng mga ito.
 
Upang makapaghanda sa mga ganitong pagkakataon, ayon kay Ryan, “I just take a few minutes in my car, do my own preparation, pray, of course, and build up lang ng courage, and then go.”
 
Paliwanag naman ng isang paranormal consultant, “He was wearing a protective shield. Yung tinatawag na puting aura. Yung aura na puti is a sign of being careful pero, at the same time, open yung senses [at] nagbabalanse siya.”
 
Hindi rin pinalagpas ng mga kakaibang elemento ang bahay ni Ryan at ng kanyang pamilya. 
 
Ayon sa aktor, mayroong mga mapaglarong elemento sa bahay na tinitirhan niya sa Parañaque mula noong 2008.
 
“There were some instances before, pero it was more like, walang pakialamanan. Playful lang,” paliwanag ng aktor.
 
Dagdag niya, sinabi sa kaniya ng namayapang veteran actor na si Roy Alvarez, mayroon daw third eye at kakayahang makipag-usap sa mga elemento at kaluluwa, may mga nananahang duwende sa bahay ni Ryan.
 
Hindi naman daw mapanganib ang mga ito. Sa katunayan, minsan na silang napakiusapan ni Ryan. Kwento niya, “[Sabi ko], 'I'm not in the mood. I'm tired. Nasaan na yung gunting ko?' And then pagkatalikod ko, nandun na yung scissors. [Sabi ko], 'Salamat!'”
 
Pinaglalaruan din umano ng mga ito ang baby monitor na naka-set up noon para sa panganay na anak nila ng asawang si Cathy na si Catalina Rae.
 
Hinahayaan lang daw ito ni Ryan at Cathy, hanggang sa dumating ang isa nilang kasambahay na nakakakita umano sa mga elemento sa bahay nila, at saka nagsaboy ng asin sa paligid ng bahay kasama ang iba pang kasamabahay dahil sa takot.
 
Simula noon, araw-araw nang nagkasakit si Catalina kaya humingi muli sila ng payo kay Roy Alvarez.
 
Patuloy ni Ryan, “Mag-offer daw ako ng shot ng brandy. I didn't follow that advice. I did my own thing. Di ko naman inaway ng todo. Parang I gave them a piece of my mind. I just said, 'If you wanna start something, 'wag niyong awayin yung bata. Nandito ako ngayon, ako ang awayin ninyo.'”
 
Naging maayos daw muli sa kanilang bahay matapos nito. Hindi na lang umano nila pinakikialaman ang mga elemento upang hindi rin sila pakialaman nito. 
 
Sa ngayon, ayon sa paranormal investigator na si Adam Reyes, wala nang nananahang mapanganib na kaluluwa o elemento sa tahanan nina Ryan. -- BRDabu/FRJ, GMA News