Actress Elizabeth Oropesa's childhood friends include 'engkantos'
Nakikilala si Elizabeth Oropesa, o Jackilyn Elizabeth Oropesa Freeman sa tunay na buhay, bilang isa sa mga premyadong aktres sa Pilipinas.
Pero ang hindi batid ng marami, biniyayaan din ang aktres ng 'third eye' at kakayahang makisalamuha sa mga nilalang na hindi nakikita ng ibang tao, na siyang ginagamit niya sa pagpapatakbo ng kaniyang faith healing center.
Sa kasalukuyan, pinamumunuan ni Elizabeth, o Dr. Elizabeth O. Freeman, Ph.D., ang isang healing center sa Quezon City. Ayon sa aktres at faith healer, “This is what I wanted to do, actually. Ever since I was very young.”
Lumaki sa Ginubatan, Albay si Elizabeth kasama ang kaniyang lola, na nagturo sa kaniyang yakapin ang kakaibang kakayahang ipinagkaloob sa kaniya.
Sa panayam ni Rhea Santos sa GMA program na "Tunay Na Buhay," sinabi ng aktres, namana raw niya ang kakayahang ito sa kaniyang lolo, at simula noon ay kabilang na ito sa mga sikretong dala ng kanilang pamilya.
Noong una ay pinagbabawalan pa umano siya ng lola niya na ipagsabi ang kaniyang mga kakaibang nakikita.
“Napakabata ko po noon, sinabihan ako ng lola ko na yung nakikita ko, hindi nakikita ng iba. Kaya 'wag akong masyadong maingay sa mga kalaro ko kasi baka mawalan kami ng kapitbahay at mawalan ako ng kalaro,” kwento ng aktres.
Kabilang daw sa mga nakakasaluha ni Elizabeth ay ang mga batang engkanto at mga nilalang na nakalilipad at lumulutang.
Kalaunan, tinuruan siya ng kaniyang lola na magdasal at tanggapin ang kaniyang kapalaran, kagaya ng kaniyang lolo.
Kuwento pa ni Elizabeth, mas malapit pa umano siya sa mga nilalang na hindi tao noong bata pa siya.
Aniya, “Akala ng iba, loner ako. Actually, kauti lang ang kaibigan kong normal. Karamihan ng mga kaibigan ko kasi, mga engkanto.”
Ayon kay Elizabeth, isinasama siya minsan ng mga ito sa kanilang 'kaharian,' at dito niya natuklasan na iba ang takbo ng oras sa mundo ng mga engkanto at sa mundo ng mga tao.
“It's so beautiful. It's so clean. Maybe Earth was like that a long time ago... Siyempre malalaman ng lola ko 'pag ginagawa ko 'yon. 'Pag bumabalik kasi ako, antok na antok at pagod na pagod ako. Wala naman akong ginawa. At saka ang feeling ko, ang tagal-tagal ko doon, tapos sandali lang [dito], let's say 15-20 minutes. Parang feeling ko maghapon ako [doon],” kuwento niya. -- BRDabu/FRJ, GMA News