Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ang buhay ni Tiya Pusit: Mabuting ina, mapagmahal na kapatid, tunay na kaibigan


Sa kanilang pamilya, si Tiya Pusit o Myrna Villanueva sa tunay na buhay, ang talagang komedyante. At kung ang ibang comedian ay seryoso sa likod ng camera, si Tiya Pusit, dala raw ang pagiging kuwela kahit saan. Kaya naman hindi kataka-taka na marami ang nalungkot sa kaniyang pagpanaw.
 
Nitong Miyerkules, inihatid na sa huling hantungan ang 66-anyos na si Tiya Pusit, na pumanaw noong Oktubre 2 dahil sa hemorrhagic stroke.
  
Ipinagluksa ng kaniyang pamilya, mga kaibigan, at kasamahan sa industriya ang kaniyang pagpanaw. Maging ang mga tagahanga ng aktres, nagpaabot din ng pakikiramay.
 
Maliban sa pagiging mahusay na komedyante na nakilala sa matinis niyang boses at nakakikiliting tawa, isa ring mabuting ina, mapagmahal na kapatid, at tunay na kaibigan si Tiya Pusit.
 
At sa kaniyang naulilang mga anak na si Christian, Christina, Catherine, at Chanel, hindi lang ina kung hindi kaibigang mapagkakatiwalaan si Tiya Pusit.
 
Simple, masayahin
 
Sa programang Tunay Na Buhay, binalikan ni Rhea Santos ang naging buhay ni Tiya Pusit mula sa mga ibinahagi ng kaniyang mga kaibigan, pamilya at nakatatandang kapatid na si Nova Villa, na isa ring aktres.

 


Ayon kay Nova,  kahit naging simple sa pamumuhay ang kapatid, hindi raw nito nalilimutan ang magpasaya ng mga tao sa paligid.
 
“Ano siya, masayahing tao. Sa aming lahat, siya yung comedian talaga. May pagka-spoiled, bratty kung minsan 'yan sa ate. Pero nakikita ko ring mayroong ginintuang puso,” paglalarawan ni Nova.
 
Ayon kay Chanel Villanueva, anak ni Tiya Pusit, ikinukuwento sa kanila ng ina na lagi itong sumasali at nanalo sa mga singing contest noon.
 
Pero bago naging artista, naging radio anchor muna si Tiya Pusit sa Radio Veritas. Naging on-cam talent siya sa tulong ng ate na si Nova, na naunang mag-artista sa kaniya.
 
Paliwanag ni Chanel, ang screen name ng ina na Tiya Pusit, ay nakuha umano dahil sa pagsunod-sunod nito sa kaniyang ate Nova.
 
“'Tiyang' kasi yung tawag sa kaniya [para sa tiya]. Tapos 'pusit' kasi lagi siyang nasa likod ni Tita Nova. Para siyang anino, so yung anino [ay] itim, [parang] tinta ng pusit,” ayon kay Chanel.
 
Taong 1986 nang sumabak sa pelikula si Tiya Pusit para sa "No Return, No Exchange." Mula noon, nagkasunod-sunod na ang kaniyang proyekto at ilan dito ay "Di Bale Na Lang" (1987), "Leroy Leroy Sinta" (1988), at "Wanted: Perfect Murder" (1996).
 
Gumawa rin siya ng TV shows, kabilang ang "Sana Ay Ikaw Na Nga" (2002), at "Bahay Mo Ba 'To?" (2005).
 
Hindi lamang sa mga programa at pelikula magaling magpatawa si Tiya Pusit. Kahit sa likod ng camera, pinapasaya umano ng aktres ang mga kaibigan at katrabaho.
 
“Very bubbly 'yan si Tita Meng. 'Pag may problema, nakita niyang malungkot ka, lalapitan ka niya. 'Oh bakit? Anong problema? Ay naku, 'wag mo nang isipin yun. Lilipas din 'yan.' Ganun siya,” ayon kay Arlene Tolibas, kaibigan ni Tiya Pusit. 
 
“She is a very, very happy person, and kahit meron kang dinadala [problema],' pag kasama mo siya, for a while malilimutan mo,” lahad naman ng aktres na si Beverly Salviejo.
 
Ayon naman sa isa pang kaibigan na si Inday Garutay, madali rin magpatawad si Tiya Pusit
gaano man kabigat ang pinag-awayan.
 
Pagpapatuloy naman ni Chanel, lagi nilang kasama na magkakapatid ang ina kapag wala itong trabaho. Nasasabihan din nila ito ng sikreto.
 
“Kaibigan, sabihan ng sikreto. Every night, kami ang magkasama, magkatabi. Magkukwentuhan muna kami bago matulog. Kahit anong [sabihin ko], iaabsorb niya,” ani Chanel.
 
Mahilig din umano sa pagkain si Tiya Pusit.
 
“Kahit ano [kinakain niya]. Wala siyang pinipili. Tsaka 'pag lumalabas kami, talagang handa kung handa, para sa pamilya niya,” patuloy ni Chanel.
 
Mga huling sandali
 
Pinili raw ng mga anak ni Tiya Pusit na huwag ilabas sa publiko ang pagkakasakit ni Tiya Pusit noong April 2014 nang ma-confine siya dahil sa heart aneurysm. 
 
Simula noon, hindi na nakita si Tiya Pusit sa harap ng camera dahil nanatili na siya sa ospital.
 
Gayunpaman, hindi pa rin daw kumukupas ang pagiging masayahin ng aktres.
 
Kuwento ni Nova, “Nagjo-joke siya. Nature niya, eh. Sabi ko sa iyo, no dull moments diyan eh. Pero yung pagjo-joke niya, hindi na yung katulad ng dating sigla. She's not moving kasi alam niya sa loob niya na 'Baka mamaya ma-excite ako, ma-[cardiac] arrest ako.'” 
 
Bagaman nagkaroon ng tampuhan ang magkapatid, sinabi ni Nova na nangibabaw ang pagmamahal at pagpapahalaga nila sa isa't isa. Naipadama raw nila ito bago pumanaw si Tiya Pusit. 
 
“Binibisita ko siya. Pinapakain ko. Ngayon ko lang na-notice na nagsasalita pala ang mata niya. Noong araw hindi kasi puro comedy. This time, I think parang sinasabi, 'Serious na 'to. Usap na tayo,'” ayon kay Nova.
 
Ayon kay Chanel, mapayapa ang paglisan ng kaniyang ina.
 
“Nung time po na iyon, Tuesday night, dinadasalan po si Mommy. Sumusunod na po yung pag-flat ng line niya. Hanggang sa matapos po yung pray over kay mommy, yung line niya, patapos na rin,” pagbahagi nito.
 
Sinabi ni Chanel na nais nilang maalala ang kaniyang ina sa mabuting pakikitungo nito sa mga taong malalapit sa kaniya, ang inspirasyon na iniwan nito, bukod pa sa mga punchline at nakatutuwa niyang boses at kilos. 
 
Natutuhan umano nilang magkakapatid sa ina na, “Kahit anong mangyari, tawa lang po. Kasi at the end of the day, maso-solve rin ang mga problema.” -- BRDabu/FRJ, GMA News